Sa namamangkang bata sa Sta. Cruz

by Sankage Steno

Nagpapagpag ako ng buhangin sa likod nang matanaw ko yung isang maliit na bangkang paparating mula sa hilagang bahagi ng Sta. Cruz Island. Nang maisuot ko ang aking shirt at mailabas ang ulo sa butas, nasa may harapan ko na yung bangka. Isang bata pala yung nagsasagwan.

Kinawayan ko s’ya.

Kumaway din yung bata pabalik.

“Gusto mong ihatid kita pabalik?” tanong ng bata sa ‘kin. Nasa liblib na bahagi kasi ako ng isla. Naglakad talaga ako nang malayo para makaiwas sa iba pang bakasyonista.

Umiling ako, pero wala pang isang segundo, nagbago ang isip ko. Chance ko na ‘to para makakilala pa ng ibang tao. Sayang din yung kwento ng batang ‘to. Kaya agad akong sumigaw, “Magkano?”

“Singkwenta.”

Sakto. May singkwenta pesos ako sa bulsa. “Sige.”

Nagsagwan s’ya papalapit sa pampang. Tinanong ko yung kanyang pangalan nang hinahatak na n’ya papalapit sa akin yung munti n’yang bangka.

“Borham,” sabi n’ya habang sinasalok palabas yung tubig na pumasok sa bangka.

“Ano?” panigurado ko. “Anong spelling?”

“V as in victory. O-R-H-A-M.”

“Ahhh… Vorham pala. Ako naman si Steno. Bajau ka ba?”

Hindi agad nakasagot si Vorham. Siguro dahil nahihiya s’ya o dahil abala sa paglilimas ng tubig. “Hindi. May dugo lang.”

Hindi ko na inungkat pa.

Sumampa ako sa bangka n’ya at muntik na ‘kong di magkasya. Parang s’ya lang yung kasya dun sa sasakyan n’ya. Nasa harap ako ng bangka at nasa likod ko naman si Vorham. Pero kahit ganun ang posisyon namin, hindi ako nagpapigil sa pakikipagkwentuhan sa kanya.

Kakagaling lang pala n’ya dun sa mataong lugar para magbenta ng paninda.

“Ano ba ‘yang tinitinda mo?” tanong ko.

“Uray,” sagot n’ya habang nagsasagwan.

“Uray? Ano ‘yon?”

“Alimango.”

Hindi ko alam kung Bisaya yung ‘uray’ o Chavacano. Nang tingnan ko sa Google, Ilokano ang lumabas. Lalo lang akong naguluhan. Half-Bajau, half-Ilokano ba ‘tong si Vorham?

“Taga-Maynila ka, kuya?” tanong n’ya.

“Oo, babalik na nga ako mamaya e. Nakapunta ka na ba ng Maynila?”

“Hindi pa.”

“Gusto mo?”

“Malayo, kuya. Saka wala akong pera papunta dun.”

“E di sa college. Galingan mo para maging iskolar ka. Pasok ka sa UP. Mura lang dun.” Kaso naisip ko, nagmahal na nga pala sa UP. Baka hindi na rin makayang bayaran ni Vorham o ng mga magulang n’ya. Gusto ko sanang banggitin din ang PUP, kaso tumahimik na lang ako.

Tumahimik lang din si Vorham.

“Ilang taon ka na?” tanong ko nang medyo malapit na kami sa pampang.

“12.”

“Anong grade ka na?”

“Grade 4, kuya.”

Nag-compute ako sa isip. Kung 12 years old ka, dapat grade 6 ka na o grade 5 man lang. Mukha ngang walang perang pampaaral ang pamilya ni Vorham. Hero nga’t nagbebenta pa s’ya ng alimango tuwing umaga bago pumasok sa paaralan. Child labor? Oo. E may choice ba s’ya at yung pamilya n’ya?

“Dito na lang, kuya.”

Hindi na ‘ko umangal kahit medyo malayo pa sa mga cottage yung pinagbabaan sa akin ni Vorham. Baka pagod na s’ya kakasagwan at sa pagtitinda. Baka kailangan na rin n’yang bumalik sa kanila para mag-aral o tumulong sa gawaing-bahay. Baka gusto na n’yang makipaglaro sa mga kaibigan n’ya. Kung ano man ang dahilan n’ya, di ko na inusisa.

Humakbang ako sa tubig at dumukot ng pera sa bulsa. Inabot ko kay Vorham ang singkwenta pesos at nagpasalamat.

Alam kong malaki ang tsansang hindi na kami magkita muli ni Vorham, pero gusto ko s’yang makita sa Maynila. Gusto kong malaman balang araw na nag-aaral na s’ya sa UP o sa kahit anong magandang pamantasan dito sa lunsod.

Bakit ko gusto? Siguro para palakihin yung ulo ko. Na, kahit papa’no, naging parte ako ng kagustuhan n’yang makatapak ng kolehiyo at magkaroon ng magandang buhay. Na dahil sa maiksing pagkukrus ng landas namin, may malaki akong naidulot sa kanya.

Ganito talaga ang tipikal na ugali ng mga taong may maginhawang buhay, tapos nakatuntong sa lugar na mas mahirap kaysa sa kinalakhan n’yang lugar. Burgis na burgis lang talaga ako. Nakakahiya.

Nang bahagyang makalayo ako kay Vorham, nilingon ko s’ya. Nakita kong lumingon din s’ya sa ‘kin. Kinawayan ko s’ya bilang pamamaalam. Kumaway din s’ya pabalik.

Doon ko lang napagtanto sa sarili na naiinggit pala ako kay Vorham dahil may sarili s’yang bangka.