Wrong send

by Sankage Steno

Nasa Ivalice ako buong weekend pero di pa rin ako nagpapigil na humanap ng ka-date. Marami namang naka-chat pero puro di ko type. Yung isang naka-eyeball ko naman, tangina, ang layo sa picture na pinadala n’ya. Siguro mga limang beses na hindi n’ya kamuka, o baka limang taon na ang nakalipas nung mag-selfie s’ya.

Maayos naman yung pag-uusap namin, pero humahanap na ‘ko ng way out habang kakwentuhan ko s’ya. Buti na lang maraming lamok dun sa napwestuhan namin. Sabi ko na lang, “Malamok, uwi na ‘ko.”

Ayun, umuwi nga ako.

Pagdating ko sa bahay, tinext ko yung kaibigan ko. Sabi ko, “Anlayo sa picture ng kaeyeball ko. Times 5 na di kamuka haha!”

E diyos-ng-katangahan-nampotek-yan, na-send ko sa kaeyeball ko sa halip na sa kaibigan ko. “For me? Xsend” sabi sa reply n’ya. Parang gusto kong magpalamon sa lupa nung gabing ‘yon. Gusto kong magpakalbo bigla. Syempre, hindi na ‘ko nag-reply. Naka-block na rin s’ya sa app ko.

Nakakahiya, sobra. Taena talaga. Gusto kong sampalin yung mukha ko at iuntog sa pader. Kaso, naisip ko, kakagaling pa lang ng sugat ko. Next time na lang.

Kung bakit naman kasi puro kasinungalingan yung profile picture ng mga nasa dating app. Anlayo sa reality, jusmiyo. Sobrang awkward tuloy kapag nagkita na. Well, naiintindihan ko naman yung dahilan. Hindi lang talaga ako maka-get over. Mas okay pa rin sa bar. At least dun, madali mo nang makikilatis yung tao. At kapag may amats na, nag-iimprove ang hitsura ng lahat.

Mas ayos ‘yon sa ‘kin.

Saka eto pa, nung nagkita na kami ng ka-eyeball ko, hindi ba naman makapagsalita. Di daw n’ya alam ang sasabihin. Wow, virgin? Perstaym makipag-eyeball? Buti na lang sanay akong mag-interview. Ayun, tinira ko ng mga tanong. Para tuloy akong nag-background check. Ayoko namang tanungin ng specialty questions ko dahil, yun nga, di ko type. Anlayo talaga sa pinakita n’yang picture.

Mas mataba s’ya in person, tapos mas haggard-looking. Tapos sabi n’ya 5’7″ daw s’ya, e mukang 5’4″ lang. Ang sama ko, pero hindi talaga! No! I mean, okay lang sa ‘kin kung mataba basta may face value at masarap kausap. E kaso, ekis pa rin kahit sa communication skills. Ako pa rin ang nagdala. Nubayan!

Kung di lang nga magastos at kung wala lang akong mga nakahilerang biyahe, aaraw-arawin ko ulit ang pagba-bar. Mas maaksyon ang ganapan dun e. Pero, sorry na lang sa ‘kin, tipid-tipid. Dating app na lang muna kahit puro fictitious yung profile pic ng mga andun. Hay buhay.