Ang tanging game na hindi ako pinatulog

by Sankage Steno

Tinapos ko ulit yung Final Fantasy Tactics nung weekend. Meron na kasing nada-download na app sa iPad for $8. Bumili yung best friend ko, ta’s ginamit ko na lang yung username at password n’ya para ma-download ko yung game sa sarili kong device. No to piracy!

Nalungkot pa rin ako sa ending n’ya, putek ‘yan. Nung bata ako, sobrang na-disturb ako after ko s’yang matapos. As in di ako nakatulog ng ilang gabi sa kakaisip sa nangyari dun sa bida at sa iba pang characters na buong game e kasa-kasama ko.

[Spoiler Alert]

Imagine, namatay silang “lahat.” Sinong bata ang hindi madi-disturb dun, di ba?

Madugo na nga yung game dahil sa dami ng patayan, idagdag mo pa na ang daming plot twists sa story n’ya, tapos sa huli mamamatay lang “lahat?” E kasama ko sila sa adventure! Ang haba ng pinagsamahan namin. Napamahal na silang lahat sa akin, jusko. Tapos sa ganun lang matatapos? Si George R. R. Martin ba creator nito?

Hinde. Si Yasumi Matsuno. (You’re a genius. I❤ you.)

Pero ang pinakamabigat na parte para sa ‘kin sa larong ito e yung pagiging unsung hero ni Ramza Beoulve.

Sa totoo lang, sa lahat ng Final Fantasy heroes, s’ya ang pinakamahina. Talk skills lang at Ultima (na sobrang tagal i-cast pero underwhelming sa damage) ang specialty n’ya. Pero that’s his strength, actually. Dahil mahina s’ya, nakaka-relate ang lahat ng naglalaro sa kanya, including moi. Mahilig kaya tayo/ako sa underdog.

Sa takbo ng kwento, si Delita (na best friend dati ni Ramza) ang kinilalang hero ng lahat. Pero the game itself, through its masterful storytelling (typo and grammatical errors aside), shows na ang tunay na hero sa history ng Ivalice ay si Ramza.

Salamat sa Durai family (Orlandu, Orran and Arazlam).

Personally, hero ko rin kayo dahil pinaglaban n’yo ang katotohanan. Sinulat ni Orran yung totoong account ng mga pangyayari at pinakita sa Church. Dahil dun, tinawag s’yang heretic at sinunog ng Simbahan (Sounds familiar?). Yung anak n’ya, si Arazlam (na storyteller sa game) ang s’yang nagsiwalat ng nilalaman ng Durai papers.

Anyway, hindi mo s’ya mage-gets kung di mo iintindihin yung laro. Laruin mo na lang, please. At basahin! ‘Wag puro press/tap. Maganda s’ya talaga kahit old-school yung graphics at kahit mahirap yung battle gameplay. Tiyagain mo na lang kung gusto mong maintindihan yung sinasabi ko.

Si Ramza, kung ihahambing sa sikat na anime ngayon, e parang si Saitama, si One Punch Man (except mahina lang s’ya). S’ya ang totoong hero pero hindi sa kanya napupunta ang credit, at balewala lang sa kanya kahit hindi s’ya kilalanin ng mga tao. Basta ginawa n’ya ang tama at mabuti, ayos na.

Tapos, mamamatay lang silang “lahat” sa huli. Nakakaiyak, di ba?

———–

P.S.
Sa susunod, Suikoden II naman ang uulitin kong tapusin para todo na ang pag-iyak down memory lane.