Tanginang NBI clearance ‘yan – Part II

by Sankage Steno

Heto na naman tayo, same old-same old. Kumuha na naman ako ng NBI clearance dahil sa panibago kong pakikipagsapalaran sa buhay, pero tulad ng dati, uminit na naman ang ulo ko.

May nabago naman. Kung nung huli, manual ang pagkuha ko, this time, sinubukan ko yung online application nila.

Umpisa pa lang, andami ko nang reklamo. Una, hindi mo s’ya maaasikaso in one day kasi kailangan mong magpa-schedule at least a day late. Pangalawa, kailangan mo s’yang bayaran through a third party. Third party! Pota. Sinubukan ko yung online payment, kaso andami pang kyeme. Kailangan pang i-register yung bank account, etc. Mabusisi masyado, so ekis na.

Ang ginawa ko, binayaran ko s’ya over the counter. Ibig sabihin, lumabas pa rin ako at pumila sa bangko para magbayad. Nung nabayaran ko na, hinintay ko pa yung confirmation sa email, tapos pinrint ko yung proof na bayad na nga ako. Kung namali pa ‘ko ng lagay ng reference number, posible pang nagbayad ako for nothing. Napunta sa limbo yung pera ko, ganyan.

Heto na talaga. Pangatlo, nung pumunta na ‘ko sa napili kong NBI satellite branch at date, pila pa rin! Akala ko pipicturan na lang ako at kukunan ng fingerprint, tapos tapos na. But no! Kumuha pa ‘ko ng number, naghintay nang matagal bago matawag, saka pumila ulit ng another hour bago masalang sa picturan at biometrics.

Nabalewala yung pagkakaroon ng online application dahil pila pa rin naman ang inabot ko sa NBI satellite office. Sana nag-manual application na lang ako para isang araw na lang yung sasayangin ko sa pagpila at paghihintay.

Ang mas masakit pa rito, napamahal yung bayad ko. Kung manual kasi, P115 lang. Pero ‘pag online, plus P25 para sa Web fee chenes. At kapag nagbayad ka over the counter sa bangko, additional P50 na service charge. So ang sumatotal, P190. Masakit s’ya sa bulsa ha, lalo na ngayong marami akong pinaglalaanan ng pera ko. Ang sakit n’ya talaga.

Ang pinakamasakit sa lahat, todo na ‘to, as in, e may hit pa ako sa application. Ibig sabihin, after ng lahat ng abala at hirap ko, pati na rin dagdag sa gastos, hindi ko pa rin nakuha yung putanginang NBI clearance na ‘yan. Pinapabalik pa ako after two fucking weeks. Kung talagang kailangan ko pala s’ya ngayong araw, wala na. Sira na yung mga pangarap ko.

Pagaya-gaya pa sila ng sistema sa pagkuha ng passport, waepek din naman. Pinag-aralan ba talaga nila yung sistemang ‘to? Nagkaroon kaya sila ng trial at beta testing? Kinonsidera ba nila yung mga feedback? Mukhang hindi e. Basta masabi lang na may online version na s’ya, aprub na agad. Walastik lang.

Kaya para sa nakaisip ng bagong sistemang ito ng pagkuha ng NBI clearance, I give you a pat on the back for the effort—a pat on the back na may hawak akong balaraw.