Utol

by Sankage Steno

Dinalaw ko noong Sabado ang bahay kung saan nilitis si Andres Bonifacio ng pamahalaang mapanghimagsik sa Maragondon, Kabite. Apat na araw matapos s’yang litisin noon, dinala si Bonifacio at ang kapatid n’yang si Procopio sa Bundok Nagpatong, malapit sa Bundok Buntis. Doon sila pinatay pareho.

Bago ako pumunta sa bahay na ‘yon, dumaan muna ako sa bahay ni Emilio Aguinaldo sa Kawit kung saan idineklara ang kalayaan ng bansa noong Hunyo 12, 1898. Sa mga nag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas, alam n’yo naman siguro na si Aguinaldo ang itinuturong nagpapatay kay Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan. Siya rin ang sinasabing nagpapatay kay Heneral Antonio Luna noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Pinoy politics at its worst.

Nakakakalungkot isipin na kahit noong unang panahon pa lang, hindi na talaga magkasundo tayong mga Pilipino. Iisa lang naman ang layunin nila noon, ang makamit ang kalayaan mula sa mapang-abusong mga Espanyol, pero hindi pa rin sila magkasundo. Kahit pa nagkaroon sila ng sanduguan at minarapat na magturingang parang magkakapatid, wala pa ring bisa. Nagpatayan pa rin sila sa huli.

These particular scenes in our history remind me of Suikoden II.

Kung di mo s’ya nalaro sa PlayStation noon, ‘wag kang mag-alala, sinayang mo lang naman ang kalahati ng buhay mo. Biro lang. Maganda s’ya. Ang nangyari, nagkahiwalay yung dalawang malapit na magkaibigan at bida sa laro. Kung magturingan sila ay parang magkapatid, pero dahil sa mga di-inaasahang pangyayari, pinaghiwalay sila ng tadhana.

Maraming pwedeng katapusan yung larong nabanggit ko, pero isa roon ay yung nakakalungkot at hindi maganda. Sa huli, yung dalawang bida at malapit na magkaibigan ay nagkaharap. Syempre, kung gusto mong matapos ang laro, wala kang ibang pagpipilian kundi labanan s’ya. Kaya sa dulo, ayun, namatay yung best friend/bro ng bidang kinokontrol mo.

Kahit sa Naruto, may ganitong kamukhang kwento. Kinailangang magpatayan ng magkapatid na Uchiha na sina Sasuke at Itachi upang makamit ang mas malakas na kapangyarihan. Kung hindi ka pamilyar sa eksenang ‘yon, pwede mo s’yang mapanood sa YouTube.

Marami pang ganitong kwento ng pagpapatayan ng dalawang magkapatid o malapit na magkaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na kung ang konteksto ng lugar o pangyayari ay digmaan.

Kaya maswerte na rin tayo at hindi tayo nabuhay sa panahon ng digmaan (unless we wage a war against China).

Bakit ko sinasabi ang lahat ng ito? Ang layo kasi ng kwento ng buhay ko sa mga pangyayaring nabanggit ko sa taas. Ang swerte ko kasi sa mga kapatid ko.

Ganito ‘yan: Nang makauwi ako noong Sabado ng gabi galing sa Kabite, dinatnan ko yung isa kong kapatid sa kwarto na nagko-computer.

“Pwede palang makuha yung Dark Knight sa Tactics,” sabi ko sa kanya.

“Pa’no?” tanong ng kapatid ko.

Sinabi ko kung pa’no. Tapos, out of the blue, tinanong n’ya ko kung gusto ko ng beer. Ito yata ang unang pagkakataong inalok ako ng beer ng kapatid ko. Umoo ako, syempre. Bumaba s’ya at kinuha yung dalawang lata ng Pale Pilsen sa ref, may bitbit pa s’yang basong may yelo.

Maliban sa beer, binuksan din n’ya yung Pringles at binigay sa ‘kin. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong wala lang sa ‘kin ‘yon, na hindi ako naapektuhan sa gesture na ‘yon ng kapatid ko. Kaya bilang “ganti,” hindi ko inubos yung Pringles. Ito yata ang unang pagkakataong nagtira ako para sa kapatid ko.

Cheers, ‘tol.