Pinoproblema ko na naman ang SSS

by Sankage Steno

Kumuha ako ng salary loan sa SSS noong 2014 dahil wala lang. Hindi ko naman talaga kailangan ng pera noong panahong ‘yon. Gusto ko lang i-try. I’m bored sa buhay kaya, one day, sabi ko sa sarili ko, “Bakit di kaya ako mag-loan sa SSS para maiba lang?” Ayun, sinunod ko nga yung sarili kong isip.

Saka sabi rin kasi ng matatandang beterano na sa pag-utang sa SSS, “Mag-loan ka na para sa susunod na loan mo, mas malaki makuha mo.”

Hindi ba nila naisip na kapag umutang ka ng mas malaki, malaki rin yung interes? Minsan talaga hindi ko maintindihan yung matatanda. Pero, anyway, may wisdom silang di ko pa naiintindihan, saka sabi nila yung matagumpay daw na mga negosyante ay maraming utang, so sinunod ko pa rin yung sabi nila. Nag-loan nga ako sa SSS.

Hanggang ngayon nagbabayad pa rin ako ng utang at interes sa SSS.

May benefit ba kung sakaling hanggang sa magretiro ako e hindi ako nag-loan sa SSS? Lalaki ba yung pensyon ko? At pa’no kung namatay agad ako bago ko pa napakinabangan yung SSS ko, para sa’n pa yung kinakaltas sa sweldo ko buwan-buwan? Para ipasweldo sa mga opisyales nila?

Alam mo, gaya ng marami sa inyo, nung na-veto ni PNoy yung increase sa SSS pension, nagulat din ako at nalungkot. Pero, inisip ko rin, bakit tatanggihan ni PNoy yung magandang batas na ‘to kung alam n’yang makakatulong ‘yon sa image n’ya at sa kampanya ni Mar Roxas bilang ineendorso n’ya ito?

Nung mabasa ko sa balita yung depensa n’ya at yung opinyon ng mga kolumnista sa dyaryo, naintindihan ko lalo na ikalulugi nga raw ng SSS sa kalaunan kung tataasan ng P2,000 yung pensyon ng mga retiradong miyembro nito. Oo, giginhawa nga yung buhay ng mga tumatanggap sa ngayon, pero pagdating ng panahon, ‘pag ako o ikaw na yung dapat tumanggap ng pensyon, wala na. Ubos na yung pondo.

Dapat daw kasi, kapag gumawa ng batas na nangangailangan ng dagdag gastos sa gobyerno, sinasama rin ng mga mambabatas kung sa’n kukuha ng pera para sa batas nila, o at least kung pa’no mapopondohan yung panukala nilang batas. E, ewan, di yata naisip ng mga matatalinong kongresista at senador natin ‘yon.

Nang mabasa ko naman yung opinyon ng mga kontra sa ginawa ni PNoy, naintindihan ko rin yung punto nila. Sabi nila, bakit daw kasi hindi babaan yung sahod at bonus ng mga opisyal ng SSS para madagdagan yung pondo ng ahensya. Ang hirap daw kasi, anlalaki ng paycheck nila, hindi naman gumaganda yung serbisyo. Pahirapan sa pagpaparehistro, pag-utang at pagkuha ng ID.

Parang tax lang ‘yan e.

Bukod pa rito, hindi rin daw efficient o maayos yung pagkolekta ng kontribusyon sa SSS. Kung mas mapapabuti raw ang koleksyon nila, di hamak na mas lalaki yung pondo nila. Kapag nangyari ‘yon, pwede nang taasan ng P2,000 yung pensyon ng mga miyembro nito nang hindi malulugi o maba-bankrupt sa hinaharap.

Oo nga naman.

Dahil pareho kong naiintindihan yung punto nila, ng mga pro at anti, confused ako ngayon sa isyu. Kung parehong may katotohanan ang sinasabi nila, aling katotohanan ang mas matimbang? Alin ang “mas totoo” at dapat kong panigan?

Kung ako ang masusunod, syempre gusto kong tumaas ang pensyon ng SSS members, pero kung malulugi naman ito in the future, balewala rin. Maginhawa ka nga ngayon, bukas naman, wala ka nang pera. Tagtuyot. Kita mo na? I’m so confused sa isyu na ‘to. After all ng binasa mo, wala pa rin akong matinong resolution.

E ganun talaga ang buhay. Di sa lahat ng oras e may solusyon at sagot na nakahanda.