Mas masakit pa rin ang iwanan

by Sankage Steno

Ikaw naman, porke nakita mo lang sa Facebook na nakapagpabatok ako, feeling mo kaya mo na rin? Oo, kaya mo nga. On a scale of 1 to 10, 10 being the most painful, ang level ng pagpapabatok ay nasa 5 o 6 lang. Kayang-kaya mo.

Pero kung hindi ka sanay sa scale at mas maiintindihan mo ang sakit using your own experience, let me tell you now, mas masakit pa rin ang iwan ka ng taong mahal mo. Mas mahirap pa rin ang mag-move on. Mas mahirap pa rin ang umasa sa wala. Mas masakit ang unrequited love. Kaya kung nakaranas ka na ng isa sa mga ‘yan, I say Go! Pumunta ka na sa Kalinga at magpabatok. Sisiw na lang ‘yon.

Hindi ko nga inasahan na hindi s’ya masyadong masakit. Akala ko maiiyak ako, di pala.

Pero masakit pa rin s’ya ha. Ang sinasabi ko lang, it’s bearable, lalo na kung handa ang puso’t isip mo sa pinapasok mo. Ako nga hindi handa e. 50-50 pa yung utak ko nung papunta ako kay Whang-Od. Pero matapos kong tawirin ang di mabilang na bundok, maghabal-habal at muntik nang mahulog sa bangin, umakyat ng isa pang bundok sa ilalim ng mabagsik na araw, e putangina ‘yan ‘pag di pa ‘ko nagpabatok, ako na babatok sa sarili ko.

Hindi ko muna idedetalye rito ang hirap ng biyahe. Sabihin na lang natin na mas mahirap pa yung pagpunta sa tahanan ni Whang-Od kesa sa pagpapabatok mismo.

Kung hindi mo pa rin ma-gets ang level ng sakit na tinutukoy ko, ganito na lang. Kung estudyante ka sa college, mas mahirap pa rin ang magsulat at tapusin ang thesis. Kung taga-UP ka at hindi naman demigod, mas mahirap pa ring ipasa ang Math 17. Kung hindi ka naman taga-UP, mas mahirap pang makapasa sa UPCAT.

Siguro naman ngayon mas malinaw na ang level of pain ng pagpapabatok.

Ngayon, kung sobrang baba ng threshold mo sa physical pain, tulad ko, I suggest gawin mo yung ginawa ko before, during and after ng pagpapabatok.

Before:

  • Maghanda ng playlist sa utak.
  • Kumanta-kanta habang naghihintay ng turn.
  • Panoorin ang ibang nagpapabatok para sa ocular inspection.
  • Huminga sa brown bag.
  • Makipagbiruan sa mga kasama para kunwari wala lang sa ‘yo ang paparating na delubyo.

During:

  • Ipagpatuloy ang concert gamit ang iyong playlist.
  • Chikahin ang nagbabatok sa ‘yo kahit di kayo nagkakaintindihan.
  • Magpa-picture at mag-video para ma-distract sa pain.
  • Kutyain at pagtawanan ang sarili dahil sa pinasok mo.
  • Magmura. Mas malutong, mas mabisa.

After:

  • Kumanta-kanta pa rin para malibang.
  • Ipagpatuloy ang pagpapatawa at pakikipagkuwentuhan.
  • Picturan ang finished product at i-post sa social media.
  • Ipangako sa sarili na magpapabatok ka ulit, yung mas malaki, kapag nakabalik ka sa lugar nila in the future.
  • Ipangako sa sarili na hindi ka na babalik sa lugar na iyon.

Ewan ko na lang sa ‘yo kung hindi mo pa rin napi-picture yung sakit na pinagdaanan ko. Alam mo, kesa magkasapakan pa tayo rito, pumunta ka na lang dun sa Buscalan, sa Tinglayan, Kalinga, para malaman mo sa sarili mo. ‘Yan ang hirap sa ‘tin e, puro basa lang. Experience is better than any book you’ll ever read. Kaya lakad-lakad din ‘pag may chance.

Batukan kita d’yan e.

Kuha ni Vincelle Yasa