The Master, the Young Master and the Grand Daugther

by Sankage Steno

‘Wag mo ‘kong sisihin kung mali yung spelling ng ‘daughter’ sa title ng blog ko. Hindi ako ang nagsulat n’yan. Nakita ko lang ‘yan sa Buscalan, dun sa tarpaulin na nakalagay malapit sa kubo kung sa’n nagbabatok si Whang-Od at yung mga apprentice n’ya.

Dahil tatlo na sila, hindi na masyadong totoo yung titulo ni Whang-Od na “Kalinga’s last tattoo artist.”

Actually, hindi lang sila tatlo. Lima na silang nambabatok dun sa Buscalan. Meron pang dalawang “unknown” tattoo artists sa may itaas na bahagi ng barangay nila, dun malapit sa payaw o rice terraces. Ang kaibahan lang, hindi sila tinuruan ni Whang-Od, kaya bawal nilang gamitin yung pirma ni Whang-od at ng apprentices n’ya na Tatlong Tuldok.

Pero magaling din naman yung dalawang unknown artists na magtato, in fairness.

Kung may magandang naidulot ang kasikatan ni Whang-Od, ito ‘yon. Nabuhay muli yung dying art nila ng pambabatok. I’m really happy for that.

Hindi nga pala si Whang-Od ang nambatok sa ‘kin dahil tatlong araw pa ang pila ng gustong magpatato sa kanya. Sabado kami pumunta roon pero sa Martes pa kami masasalang kung ipipilit naming sa Master magpatato, kaya nauwi na lang kami kay Elyang Wigan, the Grand Daugther.

Si Elyang ay may magandang mata, kulay hazelnut brown. S’ya raw yung bumaba sa Maynila last year para dumalo sa Dutdutan. Magaan ang kamay n’ya sa pambabatok kaya hindi ako masyadong nasaktan. Steady lang din ang mga kamay n’ya habang nagtatato kaya, naisip ko, pwede rin s’yang maging surgeon kung gugustuhin n’ya. Tahimik lang s’yang babae pero mabait namang kausap.

Hindi katulad ni Gracia “Grace” Palicas, the Young Master. Umaapaw sa personality ang babaeng ‘to. Habang naghihintay kasi ako, nakikipagdaldalan ako sa mga kasama ko. Bigla ba namang sinaway ako at nag-ssshhh! Pero understandable naman kasi maingay talaga ako.

Nung tinatatuan na ‘ko ni Elyang, tinanong ko s’ya kung ilang taon na s’ya. Sagot n’ya, 17. “Mukha ka lang 12,” sabi ko.

Umepal si Grace at nilingon si Elyang, “Sabi ko sa ‘yo.”

Tinanong ko rin si Grace out of politeness and camaraderie. “Ikaw, ilang taon ka na?”

“19.”

“Bakit kayo ganyan? Muka kayong mga bata.”

“Well…”

Ang totoo, mukang mas matanda si Grace sa edad n’ya. Binola ko na lang dahil baka pag-uwi ko, bitbit ko na yung ulo ko.

Tuloy sa pagbatok sa ‘kin si Elyang. Di na rin maipinta yung mukha ko dahil sa pagtitiis ng sakit. Kung anu-ano na ginagawa ko para malibang at mawaglit yung isip sa ginagawa sa ‘kin ng mambabatok. Napansin na naman ako ni Grace. Umepal na naman.

“Ba’t ka ganyan? Parang di ka lalake.”

Sa totoo lang gusto ko s’yang sapakin nung time na ‘yon. Ambastos ng bunganga, pero inintindi ko na lang s’ya dahil, una, nasa teritoryo nila ako. Pangalawa, gusto kong makauwi na may ulo pa. Pangatlo, totoo rin namang hindi ako lalake.

Pinalampas ko na lang yung remark na yun ng Young Master at kumanta-kanta. Inawit ko yung Oo ng Up Dharma Down habang tinatatuan. Ayun, sabay napatingin sa ‘kin si Grace at si Elyang nang marinig nila ang boses ko. Akala n’yo kayo lang ang may skill? Kayang-kaya ko kayong patigilin sa ginagawa n’yo gamit lang ang boses ko.

Matapos ang di masyadong masayang karanasan kay Grace at sa masakit pero fulfilling na moment with Elyang, pinakita ko na yung tattoo ko kay Whang-Od para presyuhan. Pumunta rin kami sa bahay n’ya mismo para magpa-picture. Alam ko namang masayahing tao si Master at palabiro kahit di sanay magtagalog, pero mas nakita ko ‘yon nang pagtawanan n’ya yung tattoo ko… in a friendly manner.

Ang liit daw, ayon sa interpreter/guide namin. Natawa na lang din ako. (Hindi ako na-offend, seryoso.) Yun lang po ang kaya ng pain tolerance ko. Pasensya na, Master. At least hindi ka bitchesa gaya ng pamangkin mo.

Buti du’n ako nagpatato sa iyong Grand Daugther.

Mambabatok