Ang makinarya ng political genius na si Binay

by Sankage Steno

Malakas ang kutob kong si J3j3m4r Binay ang mananalong pangulo sa darating na halalan, pero di ko pa rin s’ya iboboto kahit pa magalit ang mga kamag-anak kong fans na fans ni Nognog (nickname according to his TV ad worth millions of pesos).

Lalo kong napatunayan ‘to nang makasabay namin ang isang sundalong taga-Buscalan. Sakay kami ng bus pa-Sampaloc at nagkakwentuhan kami dahil pare-parehas kaming may tattoo galing kay Whang-Od, plus the fact na ang haba ng biyahe, jeskelerd. Itago na lang natin si kuya sa pangalang ‘Body.’

Biniro ko si Body. Sabi ko sa kanya, umakyat ako ng Kalinga dahil nangangampanya ako. Pinakita ko pa yung peklat ko sa gilid ng mata at sinabing nadaplisan ‘yon ng bala nang mangampanya ako sa Mindanao early this year. Tawa lang s’ya, game na game sa pagsakay. Apparently, papunta na pala s’yang Midsayap, Cotabato, para bumalik sa serbisyo.

Ta’s tinanong ko s’ya kung sino ang iboboto n’ya sa Mayo.

“Si Binay,” sagot ni Body. Dinagdag pa n’ya na dapat daw ay taga-Luzon ang maging pangulo dahil narito ang sentro ng kapangyarihan, something to that effect.

I won’t dwell on this argument anymore dahil baka mawala ako sa topic.

“Bakit si Binay?” tanong ko while maintaining my composure.

Sabi ni Body, tinutulungan daw kasi sila ni Binay. Kahit daw yung iba n’yang mga kamag-anak at kapitbahay sa Buscalan, maging sa ibang parte ng Kalinga, si Binay raw ang iboboto.

Hindi na ‘ko nagulat sa sinabing ito ni Body dahil alam ko namang nangangampanya talaga si Binay sa malalayong lugar, tulad ng ginagawa ko. Charot. Pero na-curious ako sa “tulong” na binibigay ng dating mayor ng Makati sa mga malalayong lugar sa bansa. Kaya nag-research ako nang kaunti.

Napag-alaman ko na bago pa man maging bise-presidente itong si Binay, nakikipag-ugnayan na s’ya sa maraming bayan at lungsod sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa katunayan, noong mayor pa lang s’ya ng Makati, nagawa na n’yang bumuo ng partnership sa 670 local government units sa bansa.

Ito yung tinatawag na sister LGUs (sister city o sister municipality) ng Makati.

Imagine, 670! Kung ang lahat ng mayor ng mga bayan at lungsod na iyon ay ieendorso si Binay sa kanilang mga nasasakupan, sigurado na ang pagkapanalo ni Nognog. At dito ko lalong hinangaan in a bad and evil way ang kahusayan ni Binay sa pagpapatakbo ng kanyang makinarya para lang masungkit ang pangarap niyang maging pangulo ng bansa.

Biruin mo, mayor pa lang s’ya, sinisimulan na n’ya ang “pagbili” sa boto ng mga taga-probinsya sa pamamagitan ng “pagtulong” na ginagawa ng Makati sa mga ka-partner nito. Isa pang nakakagimbal dito e yung fact na pera ng Makati ang ginagamit ni Binay para “tulungan” yung mga sister cities and municipalities.

Isa ang Tabuk, Kalinga sa mga sister municipality ng Makati.

Bukod sa Tabuk, ang ilan pang lugar sa Cordillera Administrative Region na sis ng Makati ay ang mga sumusunod:

Abra

  • Bucay
  • Bangued
  • Bucloc
  • Manabo
  • Pilar
  • Sallapadan
  • Tineg
  • San Isidro
  • Villaviciosa

Apayao

  • Flora
  • Pudtol

Benguet

  • Atok
  • Baguio City
  • Bakun
  • Itogon
  • Kabayan
  • Kapangan
  • La Trinidad
  • Mankayan

Ifugao

  • Banaue
  • Hungduan

Mountain Province

  • Bauko
  • Tadian

Ang dami, di ba? Wala pa ‘yan. CAR pa lang ‘yan. May iba pang regions. Sabi ko nga, 670 silang lahat at baka mas marami pa dahil 2015 pa ‘yang data ko.

Ibang klase rin ‘tong si Binay. Talagang ginamit n’ya ang resources ng Makati para “kaibiganin” yung ibang mas mahihirap na lugar sa Pilipinas. Kaya naman pala gustung-gusto s’ya ng masa. Kung ikaw nga naman e galing sa mahirap na lugar, ta’s tinutulungan ka ng mayor ng Makati na kay layo-layo sa inyo at hindi n’yo naman talaga “ka-close,” syempre matutuwa ka. Syempre mapapalagay ang loob mo sa mayor na ‘yon. At kung tatakbo man sa pagkapangulo ang mayor na tumulong sa bayan mo, syempre iboboto mo s’ya.

Patay tayo d’yan. Evil genius ‘tong si Binay. Manang-mana sa diktador na kinalaban n’ya nung human rights lawyer pa lang s’ya noong panahon ng Martial Law.