Ano ang dapat ninyong dalhin sa Buscalan?

by Sankage Steno

May mga blogger at traveler na nagsabing magdala raw ng candies o goodies para sa mga bata roon sa Buscalan, Tinglayan, kung saan nakatira si Whang-Od. Huwag n’yo silang susundin. Sinunod namin sila pero napagsabihan pa kami ng mga matatanda roon. Buti polite sila at friendly kaya di kami na-offend.

Totoong gusto ng mga bata yung candy, pero ayaw ‘yon ng mga magulang nila. Una, kung sa’n-sa’n lang kasi tinatapon yung candy wrappers. Pangalawa, nasisira lang yung ngipin ng mga bata. Hindi naman uso roon ang toothpaste at toothbrush. Pangatlo, seriously? Candy talaga?

Ang gusto ng mga magulang doon na dalhin ninyo sa kanila ay school supplies gaya ng lapis, papel, ballpen, notebook, libro, atbp.

Ang iba pang hiling nila na dalhin ninyo ay basketball. Oo, Pinoy na Pinoy talaga. Kahit saang sulok talaga ng Pilipinas, ito ang numero unong sport. Hindi ko lang alam kung pa’no sila makakapaglaro ng basketball dun sa bundok. Puro bangin kaya. Ang patag lang na lugar na nakita ko e yung sa may “simbahan” at sa payaw. Anyway, gusto nila ‘yon e. Walang basagan ng trip.

Para naman kina Whang-Od, Grace at Elyang, kailangan nila ng maraming baby o wet wipes. Yun kasi ang pinampupunas nila sa dugo/tinta habang nambabatok.

Kung ako naman ang tatanungin ninyo, ang una n’yo dapat dalhin sa lugar nila ay pang-unawa. Huwag n’yong gamitin ang sarili n’yong kultura, paniniwala, pamumuhay, karunungan, biases, prejudices at pagkainutil. Napakalaki at napaka-diverse ng mundo para gamitin lang ang sarili mong ruler sa pagsukat sa kanila.

Ethnocentrism  ang tawag sa ganitong ugali. Ito yung ginagawa mong pamantayan ang sarili mong kultura at tradisyon para husgahan ang iba pang kultura at tradisyon ng ibang tao sa mundo. Kung ayaw mo ng gulo at di pagkakaunawaan, then don’t be ethnocentric.

Dito mo dapat ina-apply yung laging tanong ng mga nagne-networking: Open-minded ka ba? Oo dapat ang sagot. Kung no, ‘wag ka nang tumuloy. D’yan ka na lang sa bat cave mo.

Ang isa pang dapat mong dalhin kapag pupunta ka ng Buscalan ay pasensya. Hindi biro ang pagpunta sa kanila. Mahigit 10 oras ang gugugulin mo sa bus pa-Tabuk, ta’s mga limang oras sa jeep o bus papuntang Bugnay. Mula Bugnay, maghahabal-habal ka sa gilid ng bundok ng mga 15 minuto. Tapos nun, aakyat ka pa at dadaan sa bangin ng mga isang oras. Mas matagal pa kung mabagal ka at laging nagpapahinga.

Pagkaakyat mo, syempre magpapabatok ka pa. Hindi rin biro ang sakit nun. At pagkatapos ng lahat ng hirap, matutulog ka sa sahig at sa bahay na walang kuryente. Kung di ka sanay sa gano’n, mauubos talaga pasensya mo.

Nga pala, uulitin mo ang lahat ng hirap na ito kapag pababa ka na at pauwi sa Maynila o saan  man sa kapatagan.

Pangatlo, huwag kalimutang magdala ng tubig, at least 2 liters. Because water is life.

Buscalan, Tinglayan