Andaming mandurukot sa may Baliwag Transit

by Sankage Steno

Nadukutan ako kaninang alas-tres ng madaling araw malapit sa terminal ng Baliwag Transit sa, well, Baliwag. Nakuha sa backpack ko yung aking journal. Akala siguro ng mandurukot e iPhone s’ya dahil magkasinlaki sila. Na-imagine ko na yung mukha n’ya pagkakita sa journal ko.

Pero di rin maipinta yung mukha ko kanina. Journal ko ‘yon e! Andun yung thoughts ko from January 1 to February 8, 2016. Ngayon wala na s’ya. Napunta na sa kamay ng mandurukot. Pero confident naman akong di n’ya mababasa yung mga sinulat ko roon. Meron kasi akong special alphabet na inimbento at s’yang ginagamit kapag nagsusulat sa journal.

Gudlak sa pagde-decode.

Hindi ito yung unang beses na binuksan yung bag ko. Dati naman, papaluwas din ako sa Maynila, habang naglalakad papunta sa terminal e naramdaman kong may nagbubukas ng duffel bag ko. Pagtingin ko sa likuran, may binatang naka-school uniform ang nakapasok na ang kamay sa side pocket ng bag ko.

Nung magsalubong ang tingin namin, agad n’yang tinanggal yung kamay n’ya at lumakad palayo sa ‘kin. Buti na lang di n’ya nakuha yung baon kong longganisa. Paborito ko kaya ‘yon!

Ang mali ko sa dalawang insidenteng ‘yon e hindi ko ni-report sa pulis. Pero I have a reason. Pa’no ko naman mare-report e wala namang visible na pulis sa Baliwag? Ano, pupunta pa ‘ko sa munisipyo para mag-report? E pa’no kung tulad kanina, 3am, pa’no ko ire-report ‘yon kung tulog pa yung mga pulis (pero gising na yung mga petty criminals)?

Hindi lang ako ang nadukutan sa parteng iyon ng bayan. May kakilala rin akong nadukutan noong isang linggo. Pagkababa n’ya ng Baliwag Transit, biglang may gumitgit sa kanyang maraming tao. Akala n’ya normal lang ‘yon kasi nga nagbababaan sa bus. Yun pala, dinudukutan na s’ya. Nalaman na lang n’ya nung nakauwi na s’ya sa kanila.

Di ko na sasabihin yung nakuha sa kanya. Basta nakakaiyak.

Yung pinsan naman ng best friend ko, nadukutan ng mga cellphone … at iPhone pa yung isa! Naglalakad sila nung girlfriend n’ya dun din malapit sa terminal ng Baliwag Transit nang manakawan. Ang katangahan lang n’ya, dun n’ya nilagay sa maliit na bulsa ng backpack yung mga cellphone.

Ako kasi dun ko ibinabaon yung mahahalagang gamit sa pinakamalaking bulsa, sa main compartment ng bag, dun sa pinakasulok o ilalim para kung may magbukas man, todo-effort para makuha. So far effective pa naman s’ya, di pa ‘ko nananakawan ng wallet o cellphone sa bag. Ewan ko lang ngayong sinabi ko na rito.

Sana hindi nagbabasa ng blog ko yung mga mandurukot d’yan.

At sana nababasa ‘to ng mga kinauukulan o may koneksyon sa kinauukulan. Hoy, Baliwag PNP, galaw-galaw din po ‘pag may time. I’m sure hindi lang ako yung nadukutan d’yan sa may terminal ng Baliwag Transit. Tumataas na rin ang krimen sa bayan natin. Kelan lang yung may na-rape at pinatay d’yan sa may St. Mary’s, di ba?

Mayor Dellosa, ano pong atin?