Mga inosente, minasaker dahil kay Papa J

by Sankage Steno

Dahil birthday ni Ash Ketchum ngayon, minabuti kong magsulat ng something religious dahil puro tungkol sa travel at pulitika na lang ang laman ng blog ko nitong mga nagdaang buwan.

Napag-usapan namin ng aking kaibigan (na itatago natin sa pangalang “Mader”) ang tungkol sa pelikulang Exodus: Gods and Kings ni Direk Ridley Scott, yung istorya ni Moises at nung plagues, saka yung massacre of firstborns nung panahong iyon. Ta’s naalala ko bigla na ganitung-ganito rin yung istorya nung time na ipanganak ni Like a Virgin Mary si Papa Jesus.

Dahil sa kadaldalan ng tatlong “hari” (magi) at, in a way, dahil kay Papa Jesus, maraming sanggol na lalaki, edad dalawa pababa, sa Bethlehem ang ipinapatay ni Haring Herodes sa takot na mapalitan s’ya sa trono ng sinasabing bagong hari nitong mga mago. Sa madaling sabi, na-threaten si King Herod sa pagkakasilang kay Jesus Christ (na siyang magiging “hari” ng sanlibutan) kaya pinapatay n’ya lahat ng babies doon sa lugar kung sa’n isinilang ang dakilang sanggol.

Pero alam naman natin na fail s’ya kasi nasabihan na ng anghel si Jose at Maria na lisanin ang lugar na ‘yon para hindi mapatay yung anak nila (Pero hinayaan ng anghel na ‘yon na mamatay ang libu-libong sanggol na lalaki. Sino nga naman ba sila kumpara kay Hesus, di ba? Mga sacrificial lambs lang sila. Okay na yung Niños Inocentes na piyesta sa kanila tuwing Dec. 28.).

Sa aking pagkakaintindi sa kwentong ito ni San Mateo sa bagong tipan (Mt. 2:16), si Papa Jesus talaga ang puno’t dulo kung bakit maraming sanggol ang minasaker noon. Hindi na tayo dapat magulat dito dahil ito rin ang ginawa ng ama ni Hesus noong panahon ni Moises.

Ayaw kasing palayain ng pharaoh yung mga Israelita n’yang alipin kaya, ang ginawa ni Papa God, pinadala n’ya yung Angel of Death (si Kamatayan) para patayin ang lahat ng sanggol na lalaki sa mga bahay na walang marka ng dugo ng tupa. Ayun, dumanak ng dugo sa Ehipto. No wonder hindi christian nation ang Egypt ngayon.

Like father, like son.

Syempre, kung sarado-katoliko ka, malamang minumura mo na ako ngayon at dinadasal na mapunta sa impyerno. That’s just so Christian of you. Pero meron naman siguro sa inyo na pinapatawad na ‘ko dahil di ko naiintindihan yung sinasabi ko at ipinapaubaya na lang sa diyos ang aking kaluluwa. Alin ka man sa dalawa, wala akong pake.

Alam mo, dahil predominantly catholic ang bansa natin, bibihira tayong makabasa ng mga opinyon o balita na kumukwestyon sa doktrina ng mga kristyano. Kung meron man, laging may nakahandang statement ang CBCP o ang simbahan para i-justify o ipaliwanag ang alinmang taliwas sa kanilang mga turo.

Bilang isang karaniwang tao na hindi bible scholar at hindi pari, ganito lang kasimple ang pagkakaintindi ko sa kwentong iyon ni San Mateo. Kinuda ng tatlong hari kay Herodes ang tungkol sa pagsilang ng bagong hari, na-insecure si Herodes kaya pumatay s’ya nang libo-libo.

Kailangan talaga ulit-ulitin ko? Anong malabo dun?

Sasabihin mo, kasalanan talaga ‘yon ni Herodes, hindi ng mga mago o ni Papa Jesus. Yeah, siguro nga, at mali yung logic ko. Parang sinasabi ko kasi na, kung hindi pinanganak si Hitler, hindi magkakaroon ng World War II at hindi mamamatay ang milyung-milyong hudyo. Oo, tama ka nga. Ako ang mali.

Pareho kayo ng paniniwala ni San Mateo. Pagkatapos n’ya kasing ikwento yung male infanticide, jinustify n’ya ‘yon sa pagsasabi na natupad na yung propesiya ni Master Jeremiah (Mt. 2:17). I’m not sure sa iyo, pero para sa ‘kin, parang cheat day lang ‘yon sa diet. Band-Aid solution. Panakip-butas sa ex. Whatchamacallit.

Yun lang naman. Gusto ko lang namang guluhin yung araw mo ng pagtitika at pagngingilin. Sana hindi uminit ang ulo mo dahil sa pagfa-fasting at pag-iwas sa masasarap na pagkain o sa mga kinagigiliwan mong bagay. I wish you luck, but above all this, sabi nga ni Mareng Whitney, I wish you love. Happy Ash Ketchum Day!