Zika baby: To abort or not to abort?

by Sankage Steno

Sabi ng World Health Organization sa statement nila kanina, yung mga babae raw na gustong itigil na ang kanilang pagbubuntis “due to a fear of microcephaly should have access to safe abortion services to the full extent of the law.”

Kung huli ka na sa balita, malakas kasi ang suspetsa ng mga eksperto na related ang microcephaly sa Zika virus. Hindi pa naman scientifically proven ‘to, pero may konting ebidensya na ang mga siyentipiko na baka nga dahil sa nasabing virus kaya ipinapanganak na may maliit na ulo yung mga infected na sanggol.

Kung huling-huli ka na talaga sa balita, ang Zika virus ay “panibagong” sakit na dala ng lamok, particularly yung Aedes aegypti mosquito na kilala ring nagdadala ng dengue at Chikungunya viruses.

O, malinaw na ba?

Sa Brazil kasi, meron nang humigit-kumulang 4,000 kaso ng Zika infection sa mga nanay at/o sanggol nila. Kumalat na rin ‘to sa ibang lugar sa Latin America. Nagkumpirma na rin ang China ng kauna-unahang kaso nila ng taong may Zika virus. Mataas din ang tsansang meron dito sa Southeast Asia dahil sagana tayo sa lamok na nagdadala ng ganung virus. Sa katunayan, may tatlo nang namatay “raw” sa Colombia dahil sa sakit na dulot ng kumplikasyon sa Zika infection.

Ang big question ngayon: Kung ikaw ay buntis at napag-alaman mong may Zika virus ka, itutuloy mo pa ba ang pagbubuntis o magpapa-abort ka na?

Syempre, madali lang ang sagot dito kung sarado-katoliko/kristyano ka. Let me clear my statement: Syempre, madali lang sagutin ito kung hindi ka liberal mag-isip at nakatuon lang sa isang doktrina ang iyong mga paniniwala. Para sa katulad mo, ang sagot ay isang tumataginting na hindi. Hindi mo ipapalaglag ang bata kahit pa lumabas itong abnormal.

Hindi ko naman sinasabing mali ang paniniwala mo. In fact, maganda nga s’ya dahil buhay ang pinanghahawakan mo, ang gusto mong iligtas.

Kaso nga lang, kung mabubuhay yung sanggol na may kapansanan, maghihirap lang s’ya at ikaw bilang magulang. Para sa mga pro-choice, ito yung ayaw nilang mangyari. Bakit mo pa pahihirapan nang husto ang sarili, lalo na yung bata, kung pwede mo namang pigilan ito? Masakit s’yang tanggapin, oo, pero mas mahirap para sa kanilang tanggapin na nakikitang naghihirap ang anak buong buhay nito.

Sobrang contentious ng binitawang statement ng WHO sa kanilang press release, pero perfect timing din naman dahil nga marami na ang apektado ng Zika outbreak. Hindi rin nga malayong makarating na s’ya sa bansa natin dahil laganap din ang lamok dito lalo na kapag maulan at marumi ang paligid. Singapore nga e, mayaman at malinis, pero pataas pa rin ang dengue cases ngayong taon, tayo pa kaya?

Kaya mahalaga talagang pag-usapan yung reproductive rights ng mga babae ngayon. Alam mo kasi, kahit ano pa ang side mo sa abortion at kahit ano pa ang nararamdaman mo hinggil sa paglaganap ng Zika virus sa maraming parte ng mundo, isa lang ang hindi maikakaila:

Ang pinakanagdurusa rito ay ang mga babae.