On the wings of gravitational waves

by Sankage Steno

Feeling ko kaya nagkakaganun si Leah at si Clark sa #OTWOL e dahil sa gravitational waves na na-predict ni Einstein 100 years ago.

Alam naman nating lahat na sila talaga para sa isa’t isa, pero ngayon, hindi sila magkasama dahil nasa malayo si Leah, habang si Clark naman e emo-emohan dito sa Maynila. Ang saklap ‘no? Yung lalaki, umuwi ng Pinas para makasama si babae, tapos itong si babae aalis lang din pala. Pinaglololoko tayo ng mga writer ng telenobelang ‘to.

Ang totoong dahilan talaga kung bakit hindi sila magtagpo at magkasama e yun ngang gravitational waves na ngayon lang nadiskubre o napatunayan ng mga scientist. Meron kasing dalawang black holes na nagbanggaan at nagsanib kaya lumikha ito ng napakalaking alon sa universe. Yung alon na ‘yon ang nag-distort ng space at time kaya naapektuhan sina Leah at Clark.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit single pa rin ako hanggang ngayon at kung bakit marami sa atin ang matutulog na lang sa darating na Linggo at palilipasin ang araw hanggang sa mag-Lunes na ulit.

Kung nalalabuan ka sa epekto ng gravitational waves, ganito ‘yan. Ang ginawa kasi ng mga scientist para ma-prove na totoo nga yung mga alon na ‘to e nagpaandar sila ng malakas na laser sa space gamit ang isang machine. Yung beam ng laser na ‘yon ay hinati nila at pinadaan sa dalawang magkaibang landas o path. Yung dalawang paths na ito ay nagpaparoo’t parito gamit ang mga mamasa-masang salamin.

Therefore, yung laser beam na dumadaan sa dalawang path na ‘yon, kahit magkaiba sila ng landas, sa huli e magtatagpo pa rin sila. Kasi nga isa lang naman yung source nila. Isa lang din yung patutunguhan ng dalawang magkaibang landas. In short, kay haba-haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.

Ngayon, dahil nga sa pagsasanib ng dalawang black holes a billion light years away/ago, nagkaroon ng ripple o alingawngaw (gravitational waves) sa universe, at yung alingawngaw na ‘yon ang gumulo sa landas na tinatahak ng laser beams. Ang nangyari tuloy, naligaw ng landas yung isa. Natangay ng alon sa shore, samantalang yung isa e tuloy pa rin sa paglangoy.

Hindi tuloy sila nag-meet sa dulo.

Parang yung mga laser beam po na ‘yon sina Leah at Clark, at yung marami pa sa ating hanggang ngayon ay single at hindi mahanap-hanap ang taong nakalaan para sa atin. Sisihin po natin ang gravitational waves na nagligaw ng ating mga landas. Mabuti pa si Einstein, nahulaan na ito sandaang taon na ang nakalilipas. Ngayon lang tayo nakinig sa kanya. Alam n’ya noon pa na #WalangForever.

Ang universe po talaga ang dahilan ng lahat kung bakit single ako at ikaw, at kung bakit #WalangForever. Curse you, Universe!