Lumang damit

by Sankage Steno

Na tatanda at papanaw kang mag-isa, kaysakit.
Buong buhay, ang tanong mong lagi—Bakit?

Gumigising sa bawat umagang ulap ang bitbit
At sa gabi, bubuhos ang ulan mula sa matang nakapikit.

Alaala mo ay imbakan ng pait
Na tinipon ng kabiguang paulit-ulit.

Isa ka lamang lumang damit
Na makailang beses ipinagpalit.
Kahit ano pang gawin mong pilit
Sa iyo ay laging may nakahihigit.

Di ka na nagsawa sa iyong sinapit
Susubok at susubok muli sa pagsungkit.

Nananaghoy sa pagsintang di makamit
Katumbas ng isang malungkot na awit.