Magsasama ba ‘ko o hinde?

by Sankage Steno

Nakatanaw lang ako sa Ayala Triangle at sa Makati Stock Exchange (kasi tapos na yung trabaho ko kanina pa) pero yung isip ko lumilipad dun sa ibang parte ng Pilipinas. Nope, hindi sa Benguet, if that’s what you’re thinking. Pahinga muna ako sa mga bundok matapos kong puntahan si Whang-Od sa Kalinga. Kapagod yung trip na ‘yon. Pero babalik din ako agad sa pag-akyat after ng Holy Week.

Yung iniisip kong lugar e parte ng Luzon na, politically, ibinigay sa Visayas noong college years ko, pero ibinalik din sa  Luzon (politically) dahil, well, logistics siguro. Dalawang beses na ‘kong nakapunta sa probinsyang ito pero sa sobrang laki n’ya, andami ko pang hindi nakita at napuntahan.

Kaya gusto ko s’yang balikan.

Binasa ko kasi kanina yung column sa PDI ng dati kong prof sa P.I. 100 (Rizal) na si Ambeth Ocampo. Topic n’ya today yung bulul o yung mga “rice gods” ng mga taga-Ifugao. Mula sa tema n’yang ‘yon, napunta yung isip ko sa isa pang national cultural treasure ng Pilipinas na nakalagay sa likod ng lumang P1,000 bill. Wala na s’ya ngayon, unfortunately.

Hanggang dun lang ang ibibigay kong clue dahil pinipigilan ko talaga yung sarili kong mag-space out masyado rito sa office. Baka masabon ako sa unang pagkakataon kapag nahuli ako ng boss kong lumilipad ang isip. Me tendency pa naman akong mag-zone out any-any, lalo na kung may isa akong bagay na gustung-gusto. Eto nga, meron na naman. Nakakainis din ‘tong utak ko minsan e. Pahamak.

Gusto kong puntahan yung lugar kung saan nakuha yung cultural treasure na nabanggit ko sa taas. Protected area s’ya at di masyadong pinupuntahan ng mga turista o mga Pilipino in general (dahil marami sa atin ang bobo o walang pakialam sa History). May magaganda ring beach doon at … okay, hanggang dun lang talaga muna ang sasabihin ko.

(Control yourself, Sankage. Nasa office ka pa. Ikaw rin, kay bago-bago mo pa lang. Don’t stain your unblemished record.)

Iniisip ko pa kung pupuntahan ko s’yang mag-isa o magsasama ako ng kaibigan o kapamilya. Gusto kong isama yung kapatid ko kaso baka ako lang gumastos lahat. Gusto ko rin isama yung travel buddies ko, kaso baka di nila trip yung gusto kong puntahan. Pwede rin naman yung mga dati kong estudyante, kaso marami sa kanilang tokis at mahirap kausap.

Pangarap pa lang naman s’ya, so marami-rami pa ‘kong oras para makapag-isip. Hindi pa rin naman buo yung itinerary ko. Andami pa kayang pwedeng puntahan sa probinsyang ‘yon maliban sa gusto ko sa ngayon. Pero excited na ‘ko, shet! Bahala na si Bathala.