Kung magpapatayan lang tayo

by Sankage Steno

Nabalitaan mo ba yung in-ambush na PNP officers sa Cagayan noong Martes nang umaga? Baka hinde. Natabunan kasi ng #MasaholPaSaHayop issue ni Pacquiao. Anyway, sinasabi ko na sa ‘yo ngayon para malaman mo.

Basta ganito yung nangyari, papunta yung mga pulis sa Bgy. Sta. Margarita sa bayan ng Baggao para imbestigahan yung panununog diumano ng NPA sa mga kagamitang pag-aari ng gobyerno. Syempre, pera natin pinambayad do’n, ‘no, tapos susunugin lang ng mga rebelde? Aba matinde.

Tapos, nung malapit na sila sa irrigation site ng NIA (kung saan daw sinunog yung mga gamit), biglang may nagpakawala ng mga “bala” galing sa grenade launchers. So, malamang, mga granada ito? Mga pampasabog? Kaya, ayun, patay yung anim na baguhang pulis at sugatan naman ang 11 iba pa. Inuulit ko, baguhan. Sounds familiar? Parang yung nangyari lang sa 44 SAF members natin sa Mamasapano sa Maguindanao.

Yung mga pulis na namatay ay sina PO1 Ryan G. Annang, PO1 Derrel P. Sunico, PO1 Arjay A. Bautista, PO1 Rogelio C. Alfonso, PO1 Julius N. Soriano at PO1 Jaypy P. Aspiros. SLN ang kanilang kaluluwa.

Ang nakakalungkot dito, bukod sa nabawasan tayo ng pwersa sa PNP at puro mga bata pa, e labanan ‘to ng Pilipino sa kapwa Pilipino. At hindi lang basta-bastang labanan. Patayan ito. Buti sana kung debate lang, tulad ng nangyayari ngayon sa online, social at traditional media hinggil sa #MasaholPaSaHayop comment ni Pacquiao. E kaso hinde.

Buhay na ang nawala rito.

Alam mo, para sa ating mga nasa Maynila, o kahit saang maunlad na lungsod sa bansa, napakadaling balewalain nung mga kaguluhan sa malalayong parte ng Pilipinas. Hindi lang sa Mindanao yung tinutukoy ko. Bukod sa MILF, MNLF, BIFF, Abu Sayyaf at iba pang separatist group, huwag din nating kalimutan ang NPA na nasa mga mahihirap o liblib na lugar at lumalaban para sa mga api, mga dukha at iba pang nasa laylayan ng lipunan.

Hindi ko rin naman sinasabing pumunta tayo sa kanayunan at doon makipagsapalaran alang-alang sa mga kababayan nating nagdarahop at inaalipusta ng mapang-aping sistemang umiiral sa bansa (pero pwede rin naman). Ang sinasabi ko lang, dapat hindi lang nakatuon yung pansin natin sa kung ano ang uso at “trending” dito sa sentro.

Sa paglilibot ko sa maraming lugar sa Pilipinas, madalas kong naririnig sa mga tagaprobinsya, tagabaryo o taga-isla na pangarap nilang makapunta ng Maynila. Ang tingin nila sa NCR ay Nirvana, o Shangri-La, o langit. Samantalang ako, baligtad. Tingin ko sa Maynila, gates of hell. At sa lugar nila, paraiso. Gustung-gusto kong lumalabas ng NCR para puntahan sila.

Bakit kaya di naman gawin natin (o ng susunod na pangulo) yung kabaligtaran? Na dalhin natin ang “langit” sa mga probinsya, sa mga nayon at sa mga isla sa labas ng NCR.

Sa tingin ko, mababawasan ang mga Pilipinong nakikipagpatayan sa kapwa Pilipino kung uunlad yung mga nasa laylayan ng ating lipunan.