No girlfriend since birth

by Sankage Steno

Nag-apply ako dati sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City for a trainer position sa kanilang HR Department. Ito yung panahong kaka-resign ko lang sa Mapua bilang instructor (2012). Nakapasa na ‘ko sa exam at sa initial interview with the HR head. For formality, sabi sa ‘kin ng interviewer, kailangan ko raw mag-present. Kahit anong topic daw basta makita lang nila kung pa’no ako humarap sa crowd.

So bumalik ako sa itinakdang araw dala-dala yung PC ko at yung isang presentation na madalas kong ginagamit sa English 10 class ko sa Mapua, about sa common mistakes ng Filipinos sa English.

Tatlo yung pinag-presentan ko: isang twentysomething na babae, isang middle-aged woman at isang twentysomething din na lalake.

To make it short, na-impress sila sa presentation ko. Andami raw nilang natutunan at magaling daw akong magsalita. Naman! Araw-araw ko ba namang ginagawa dati sa Mapua, di ko pa ma-master?

Pagkatapos ng presentation ko, meron pa palang Q&A portion with the same panel. So naupo ako sa harap nila at nakipagkwentuhan. More on past professional experiences ko lang yung tanong nila hanggang sa napunta sa ilang personal questions. Napansin nung lalaki yung seal ng Naruto sa PC cover ko, so pinag-usapan namin ‘yon saglit. Tinanong din nila yung tungkol sa family ko, so sinabi ko matagal nang patay yung papa ko, etc.

Masaya yung kwentuhan until magtanong si twentysomething girl tungkol sa love life ko.

“May girlfriend ka na ba?” tanong ni ate.

Hindi ko talaga alam kung ano ang relevance ng pagtatanong nila sa akin pero, being polite, sinagot ko pa rin with a smile, “Wala.”

“Kahit before?”

“No girlfriend since birth ako.”

“Bakit?”

I’d be lying if I say I wasn’t stumped by that question, pero nagpaka-polite pa rin ako at sinagot ko with the sweetest smile I could give at the moment, “Because I’m gay.”

Napayuko si ate at napa-smile. Yung middle-aged naman na babae, parang binuhusan ng malamig na tubig. Biglang nawala yung ngiti sa mukha at naging poker face. Si kuya naman, parang nahihiyang tumingin sa akin.

Hindi pa rin nagpaawat si ate.

“So do you have a boyfriend?”

“Wala,” sagot ko.

“But do you plan to have a boyfriend?”

“Oo, syempre.”

And the rest is history. Kinabukasan, nakatanggap ako ng email mula sa HR head nila na nagsasabing hindi raw ako nakapasa sa screening at itatago na lang daw nila yung record ko in case magkaroon sila ulit ng opening na kakailanganin yung skill set ko.

Of course, nagulat ako at nagalit. Anong mali sa ginawa ko? May nasabi ba ‘kong masama? Ni-reply-an ko yung email at tinanong kung saan akong parte ng screening process bumagsak para kako hindi ko na maulit sa susunod. Mga ilang linggo pa ang lumipas bago ako sinagot ng HR head. At ang reply, yung same email na sinend sa ‘kin stating na hindi ako nakapasa.

Hindi naman ako nalungkot nang matagal dahil nakahanap naman ako agad ng ibang trabaho na mas gusto ko, sa isang travel magazine. Pero hanggang ngayon palaisipan pa rin sa akin kung may kinalaman ba yung gender ko sa hindi pagkakatanggap sa akin sa St. Luke’s QC.