Wala akong kwentong EDSA

by Sankage Steno

Gusto ko sanang magsulat ng personal na kwento tungkol sa Martial Law kaya lang hindi ako nabuhay sa panahong ‘yon. Wala rin naman akong mahita sa mga matatanda sa amin dahil halos lahat sa kanila e fans ni Marcos at sinasabing maganda raw ang buhay noon dahil tahimik at nabawasan ang krimen. Tapos babanggitin nila yung curfew, yung murang bilihin, etc.

Minsan iniisip ko kung kamag-anak ko ba talaga sila o kung nakapag-aral ba sila ng history o kung nasaan sila noong mga panahong dinadakip at pinapatay yung mga inosenteng kumakalaban sa diktador. Kundi lang sila overly sensitive at emotional, kundi lang ako magalang sa nakatatanda, sinagot ko na sila nang pabalang.

Sinasabi nilang tahimik noon pero di nila naaalala yung takot na baka hulihin sila ng sundalo kapag nilabag nila yung mapaniil na curfew. Sinasabi nilang walang krimen noon pero di nila naaalala yung kapitbahay na dinakip o yung mga magsasakang pinagbabaril sa kanayunan. Sinasabi nilang mura ang bilihin pero di nila naisip na wala naman silang perang pambili dahil walang trabahong makuha.

Sa katunayan, dumating yung panahong lahat ng lalaki sa angkan namin e nangibang bansa para maging overseas contract workers (OCW). Oo, isa ako sa mga naglalaway noon kapag dumarating ang balikbayan box.

People Power
Tinanong ko rin yung mga matatanda sa amin kung anong ginawa nila nung pumutok ang EDSA People Power Revolution noong 1986. Alam mo sagot nila? Wala. Andun lang sa bahay at nakikinig ng balita sa radyo. Di ko alam kung may telebisyon na kami noon. Medyo legit naman yung sagot nila dahil, sabi nila, hinarangan daw ng mga sundalo yung mga kalsada papuntang Maynila para hindi na madagdagan pa yung tao sa EDSA.

Isang taon pa ang lilipas matapos ang People Power saka ako isisilang sa mundo. Late na sa lahat ng matitinding pangyayari sa bansa. Pinaka-exciting ko na sigurong naranasan noon e yung paglindol noong 1990 at yung pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991. Lahat ‘yon, sobrang katiting lang ang naaalala ko.

Ten years after, nagka-people power ulit laban naman kay Erap. Gustung-gusto kong pumunta noon sa EDSA kaso wala akong pera saka hindi ko pa kabisado ang Maynila. Ilang taon lang ako noon? Promding-promdi pa ‘ko. Saka gudlak naman kung payagan ako ng matatanda sa bahay. E sila nga ‘tong mga tuod lang ng kasaysayan. Walang ginagawa para may mabago sa lipunan.

Hindi naman sa sinisisi ko sila. Ang totoo, naiintindihan ko kung bakit ganun yung matatanda sa amin.

Una, mahirap ang buhay. Kesa intindihin nila yung nangyayari sa bansa, uunahin na nila yung ipapakain sa pamilya, sa amin. Pangalawa, hindi sila lahat nakatungtong ng kolehiyo. Kung meron man, karamihan ay di nakatapos. Yung katiting na natutunan nila sa mataas at mababang paaralan, kulang para maintindihan nila yung mas malalaking suliranin ng lipunan. Pangatlo, indoctrinated sila. Sarado-katoliko. Pangunahin nilang bansay e pagpapatawad at pagtitiis.

Iyon ang dahilan kaya wala akong makuhang makabuluhan sa kanila tungkol sa ating kasaysayan … kaya wala akong magandang kwento tungkol sa Martial Law o sa EDSA People Power Revolution.