Para sa mga anti-Marcos

by Sankage Steno

So ayun nga, sinunog yung refugee camp ng mga lumad sa Davao City (Hello, Duterte?), tapos nagbabadyang magkaroon ng mini-World War III dahil sa kaguluhan sa Syria. Noong nakaraang linggo naman, nagpadala raw yung China ng missiles sa South China Sea.

Ang gulo ng mundo, ‘no?

Pero mas magulo pa rin yung logic ng mga umiidolo kay Marcos. Kahit kasi hainan mo sila ng factual evidences sa mga kabuktutan ng diktador at ng pamilya n’ya, hindi pa rin sila naniniwala. Sarado talaga ang kanilang isip, kung meron man.

This is a classic example of confirmation bias. Hindi ko na ipapaliwanag kung ano ‘yon dahil kung a) matalino ka, alam mo na ‘yon; b) matalino ka pero di mo alam, igu-google mo; o c) pro-Marcos ka, hanggang title lang ng blog ko ang babasahin mo. Di ka na aabot sa puntong ito. At kung umabot ka man, di mo rin maiintindihan yung ibig sabihin ng fallacy na ‘yan dahil … well … bobo ka (At least sa Philippine History. #SorryNotSorry).

Sinusulat ko ‘to para sa mga anti-Marcos, sa mga naniniwalang hindi palpak ang EDSA Revolution. Tayo ang pumalpak. Bakit kamo? Kasi hindi natin nagawang ipaliwanag sa mga bata’t matatanda kung ano yung mga nagbago at naipanalo natin dahil sa People Power. Iisa-isahin ko sila rito. Hindi ko masasabi lahat, pasensya na, dahil di rin naman ako nabuhay noong panahong ‘yon. Nakapag-aral lang ako.

Kung may hindi ako mababanggit dito, ikaw na ang bahalang pumuno. Punan natin ang pagkukulang ng bawat isa para di na dumami pa yung mga revisionist sa bansa at yung mga mangmang na nagpapainit ng ulo ko linggo-linggo.

Ano nga ba ang naidulot ng EDSA People Power Revolution?

1) Napatalsik natin si Marcos. Bakit mo paaalisin ang isang tao sa pwesto kung maganda naman ang ginagawa n’ya, di ba? Hindi naman s’ya si Lee Kuan Yew. Una, sobra na ang pagpapahirap ni Marcos sa mga Pilipino. Pangalawa, sobra na ang tagal niya sa pwesto. Pangatlo, sobra na ang dami ng mga nanakaw n’ya sa pamahalaan. Tama na. Tinapos na natin ang isang mapang-abusong tagpo sa ating kasaysayan. ‘Wag na nating ibalik. ‘Wag tayong lumimot. Hindi tayo dapat mag-‘move on’ dito. Move forward, pwede pa.

2) Naibalik natin ang demokrasya. Kaya malaya nang mag-post yung mga inutil sa Facebook. Kaya malaya na yung mga bobong magsabi ng kung anu-ano sa social media account nila. Kaya malaya nang gumala ang kahit na sino kahit disoras ng gabi. Kaya malaya na tayong abnoy-abnoyin si Noynoy. Kaya malaya nang magmura si Duterte. Pero malaya na tayo, period. Kung ano yung gagawin natin sa kalayaang iyon ay kasalanan na natin. Hindi na kasalanan ng EDSA ‘yon.

3) Naisauli ang mga ninakaw ni Marcos. Hindi pa lahat, pero meron na, at least. Yung ilang nabawi, nagamit na para bayaran yung mga nabiktimang pamilya noong Martial Law. Hindi pa rin naman tumitigil ang gobyerno sa paghahabol sa mga ill-gotten wealth ng Marcos family. Matitigil ‘to kapag nanalo si Bongbong sa pagka-bise presidente, kaya ‘wag nating hayaang mangyari ‘yon. No. 1 na s’ya sa survey, susmaryosep.

4) Nabawasan ang paglabag sa karapatang-pantao. Marami pa ring inaabuso (lumad, LGBT, kababaihan), pero at least malaya nang nababalita sa TV, radyo, dyaryo, Internet at kung saan-saan pa. Malaya na ring magreklamo ang kahit na sinong inaabuso sa ating lipunan. Nakakapagmartsa at protesta na tayo nang hindi binabaril sa kalsada. Pwede na tayong manunog ng effigy. Pwede na nating ilantad sa mundo ang kabuktutan ng masasamang elemento sa ating bansa.

5) Tumaas ang ekonomiya. Pinakamayaman tayo ngayong panahong ito kung ikukumpara sa mga nagdaang administrasyon simula kay Marcos. Oo, totoong hindi lahat nakikinabang sa paglago ng ekonomiya, pero nadagdagan pa rin naman ang may trabaho. Mas marami ang nakakapag-aral ngayon. Mas kakaunti ang nagugutom. Hindi naman kaya ng isang pangulo lang na lutasin ang lahat ng suliranin lalo pa’t talamak pa rin ang pangungurakot sa mga lalawigang pinamumunuan ng mga political dynasties.

Isipin mo na lang kung Marcos pa rin ang namumuno ngayon. Ga’no na kaya kayaman ang Ilocos at yung pamilya nila? At ga’no na kaya kalaki ang utang natin?

6) Sinusubukan na nating makipag-ayos sa mga kaaway natin. Dahil kay Marcos kaya namayagpag ang NPA. Dahil kay Marcos kaya nagkaroon ng MNLF/MILF. Kasalanan n’yang lahat ‘yon. Pero dahil wala na s’ya sa kapangyarihan, pwede na tayong makipag-ayos sa mga naging kaaway nating kapwa Pilipino. Pwede na tayong gumawa ng peace agreement, ng BBL. Mas posible na ngayong makamit ang kapayapaan kesa noong Martial Law.

7) We are building the nation again. Para tayong tumapos ng digmaan nang mangyari ang People Power. Ngayon, unti-unti na nating inaayos ang mga suliranin ng bansa at pinapabuti ang lagay ng pamumuhay sa Pilipinas. Hindi na tayo “sick man of Asia.” Hindi na tayo tuod lang. Gumagalaw na tayo. Mabagal nga lang. Pero may pag-usad naman. Iniisip kasi ng mga pro-Marcos na marami pa ring mahirap at kurakot sa gobyerno. E hindi mo naman maaalis lahat ‘yon. Kahit sa mayayamang bansa, may mahihirap at kurakot pa rin. Anong inirereklamo nila?

Developing country tayo. Developing. At kahit mayamang bansa na tayo, tuloy-tuloy pa rin naman ang pagbuo at pagpapabuti sa lipunan. Hindi ito dapat tumigil gaya nung nangyari noong Martial Law. Naging paatras tayo noon, ngayon pasulong na ulit. ‘Wag na tayong magpreno. Sayang ang EDSA kung ibabalik natin ang madugo at madilim na kasaysayang iyon.

Hindi palpak ang EDSA. Ang palpak ay yung mga nakalimot at yung ayaw gumalaw para sa ikauunlad ng bansa. Ano na bang nagawa mo?