Plutocracy

by Sankage Steno

Nabili na pala ng Ayala ang Tutuban sa Divisoria. Ang halaga ng deal ay P5.6 billion, pero 1/4 pa lang ang nababayaran ng pamilyang nagmamay-ari ng Rich Makati (in contrast to Poor Makati of Binay). That’s P1.4 billion. Wow, di ba? Daming pera.

Ano na kayang magiging pangalan ng Tutuban ‘pag na-develop na s’ya? Divizobel? Bonifacio Global Market? Og Manila? (In reference to the author of The Greatest Salesman in the World) Tutuvain? Parang bet ko ‘tong huli. Natawa ako, in fair.

Kidding aside, medyo nakakatakot din ‘tong nabibili na ng Ayala ang halos lahat ng lupain sa Pilipinas. Talk about feudalism, ‘no? At hindi lang sina Ayala ang namamakyaw ng lupain sa ating bayang magiliw. Nariyan pa ang maraming oligarchs sa bansa tulad nina Sy, Gokongwei, Tan, Lopez at marami pang iba.

May matitira pa kaya para sa ‘kin in case yumaman ako in  the future at magkaroon ng spending power na ka-level nung sa kanila? Well, unang-una, mukhang di naman ako yayaman dahil pagsusulat lang ang ikinabubuhay ko. Pangalawa, kung manalo man ako sa lotto, baka isang taon lang ang itagal ng pera dahil mahina ang business skills ko (although financially literate naman ako). Pangatlo, um … walang pangatlo. Sorry.

Nakakatakot din na iilang pamilya lang ang may hawak di lang sa mga lupa rito, kundi pati sa mga negosyo at sa mga posisyon sa gobyerno. Noong panahon ni Marcos, dahil sa Martial Law, 81 pamilya lang ang naghahari-harian sa bansa. Matapos ang People Power noong 1986, nadagdagan ito ng mga bagong elite family. Bale kinokontrol lang ng iilang pamilya ang ating bansa. Di ko lang alam exactly kung ilan. Basta alam ko konti lang.

We’re still a feudal society.

Feeling ko naman ganito rin ang kalagayan sa ibang mahihirap na bansa sa iba’t ibang panig ng mundo. I’m not sure sa United States, pero ang alam ko, iilang pamilya o kumpanya lang din ang kumokontrol sa malaking parte ng kanilang ekonomiya. Di ako sure, wala akong masyadong alam sa Wall Street o sa eco-political geography nila. Mas concerned ako, syempre, sa aking lupang sinilangan. Naks.

At, yun nga, ang masakit na katotohanan ay iilan lang ang may hawak ng kapangyarihan sa Pilipinas. Fine, sabihin nating mababait ang mga Ayala, o ang mga Sy, o ang mga Lopezes, pero ang isyu rito, kakaunti lang sila. Tayong mga hampas-lupa na mas nakararami ay walang impluwensya sa pagpapatakbo ng bansa o sa paggalaw ng ating ekonomiya. Mga alipin lang tayo, mga pesante, mga hamak na manggagawa.

Ang layo na ng napuntahan ko ‘no? Nabasa ko lang sa balitang nabili na yung Tutuban, napunta na ‘ko sa isyu ng oligarchy at plutocracy. Well, ganun talaga ‘pag matalino ka, mataba ang utak. Andaming pinaglalaban. Pero hanggang dun lang naman.