Problema mo sa mukha ko?

by Sankage Steno

Buong weekend akong nagngingitngit sa galit dahil naging mabait ako nung Friday night.

Tumalsik yung suot kong salamin matapos akong hambalusin ng backpack sa mukha ng isang pasahero sa sinakyan kong bus pa-Cubao. Ang nasabi ko lang, “Ay!” Hindi man lang “Aray!” kahit medyo nabigla ako at medyo nasaktan.

Mukha ko ‘yon e! Kakabasag nga lang n’ya sa Merloquet Falls sa Zamboanga City, heto’t may gusto na namang bumasag more than a month after. Ano bang problema n’yo sa mukha ko, ha? Inggitero.

Sobrang siksikan kasi sa bus, as in ‘pag nagdaan ka sa gitna para lumabas, hindi pwedeng hindi mo i-spoon yung taong nasa harap mo. Kailangan mo talagang ikiskis yung puwitan at bayagan mo para makasingit at makausad. E ang nangyari, naharangan lalo yung daanan ko dahil may isang pasaherong tumayo mula sa pagkakaupo at kinuha yung bag n’ya sa lagayan sa itaas.

Hindi pa nakuntento si kuya. Pagkatapos n’yang kunin yung isang bag at iabot sa kasama n’ya (girlfriend yata), tumayo ulit s’ya at kinuha yung isa pang bag. Ako naman, bilang napag-iwanan na, as in ang luwag na sa harap dahil marami nang nakababa, samantalang andami naming naantala sa likod at nagsisiksikan, pinilit kong sumiksik pasulong. Sa kasamaang palad, di sinasadyang natulak ko si kuyang kumukuha ng bag.

Take note, natulak. Hindi ko s’ya tinulak. Hindi rin s’ya natumba o nasubsob ang mukha sa kung saan man. Natulak lang. Medyo nawala ang balanse n’ya pero nakatayo pa rin naman. Ayun, nagalit. “Nagmamadali kasi,” sabi n’ya.

At ako pa talaga ang nagmamadali. E s’ya nga ‘tong ang layo pa ng bababaan, tumayo agad para kunin yung mga bag sa itaas. Kung ako s’ya, hihintayin ko munang makababa yung mga pasahero bago ko kunin yung gamit ko sa taas. Or, hindi na lang ako tatayo at hahayaan ko na lang dun yung mga bag dahil hindi pa naman ako bababa.

Bago muling maupo si kuya, patalikod n’yang winasiwas yung hawak na bag nang malakas, at saktong tinamaan ako sa mukha. Tumalsik sa sahig yung salamin ko. May isang nagmagandang loob na pasaherong dumampot ng salamin ko at inabot sa akin. Napansin siguro n’yang hindi ko mahanap kung sa’n nahulog. Pagkasuot ko ng salamin, tinitigan ko lang nang masama si kuya.

Gusto ko sana s’yang sugurin at suntukin at iuntog sa bintana, kaso sabi ng konsensya ko, “‘Wag na lang. Dami pang tao sa likod mo, gusto ring bumaba. Saka ‘pag pinatulan mo ‘yan, eskandalo. Lalong lalaki ang gulo. Baka may mag-video pa at lumabas na ikaw ang kontrabida. Hayaan mo na lang.”

E ako namang gago, sinunod ko nga yung konsensya ko.

Hanggang sa makasakay ako ng bus papunta probinsya, hanggang sa makauwi ako sa amin, hanggang kinabukasan at noong Linggo, at hanggang ngayon actually, nagngingitngit pa rin ako sa galit. Gusto ko talagang suntukin si kuya. Kung nababasa mo ‘to, please let me know. Sparring tayo minsan. You set the date, I’ll set the location. Lol.

Bago ko makalimutan, nasira nga pala yung salamin ko, natanggal yung silicon sa gitna. Pinagawa ko pa noong Sabado. Buti P60 lang ang bayad. At, jusko, sa galit ko, hindi ko na napasalamatan yung nag-abot sa akin ng tumalsik kong salamin. Kung sino ka man, ate o kuya, di ko talaga maalala, maraming salamat!

Advertisements