Di kita iiyakan

by Sankage Steno

Kung napansin mo, wala akong sinulat dito nang tatlong araw. That’s because I killed myself last Friday, and on the third day I rose again, kaya heto na muli ako, nagbabalik sa pagba-blog about nothing in particular. I’m just wasting your and my time.

Actually, may gusto akong i-share. About last week. May dalawa kasi akong pinuntahang patay. Dapat tatlo s’ya, kaso di pa namatay ampotek. JK! Di ko na pinuntahan yung pangatlo dahil quotang-quota na ‘ko sa mga burol noong isang linggo. Ayoko namang gawing bagong hobby ang pagbibigay ng abuloy at pagkain sa mga lamay. Di naman ako ganun ka-PG.

Naisip ko lang na gustung-gusto kong mabuhay nang mahaba, forever nga kung pwede. Ang problema nga lang, kapag nabuhay ako nang matagal, mararanasan ko yung napakaraming burol sa buhay ko. Pupunta ako sa lamay ng kaibigan, dating katrabaho, dating kaklase, magulang, tito, tita, mga kapatid at kung sino-sino pa. Darating pa sa punto ng buhay ko na ang mga reunion e mangyayari lang kapag may patay.

‘Wag naman sana.

Hindi naman ako nag-aalala masyado sa sakit na mararanasan ko kapag may namatay. Sanay na kaya ako. Lol. I mean, masakit s’ya, sobra, lalo na kung mahal mo talaga yung tao, pero sa dami kasi ng namatay kong kamag-anak o kapamilya, parang “nasasanay” na ‘ko. Iyon ang kinatatakutan ko.

Ayokong maging jaded sa mga namamatay. Ako nga ‘tong sobrang fan ng life, tapos ako ‘tong parang tuod kapag may patay? Hindi naman yata tama ‘yon. Ayokong dumating sa puntong ‘pag nabalitaan kong may namatay, hindi na ‘ko mabibigla o hindi na ‘ko makikisimpatya nang taos sa puso, pakitang-tao na lang. Kasi nga jaded na ‘ko.

Well, di pa naman. Pero baka nga malapit na.

Ikaw ba naman ang mamatayan ng ama, dalawang lolo, pinsan, tita, mga lolo at lola sa tuhod (oo, naabutan ko pa sila) at kung sino-sino pang malalayong kamag-anak, pati na rin mga kakilala tulad ng kapitbahay o dating propesor/teacher, etc., di ka pa masanay?

Humahanap ako ngayon ng paraan para maiwasan ko yung pagkakaroon ng pusong bato sa mga taong namamatay. Wala akong maisip na paraan maliban sa isa, at iyon ay yung mag-effort akong lalo pang mahalin yung mga taong nakapaligid sa akin. That way, ‘pag namatay sila (knock on wood), ikamamatay ko rin.