Si Goebbels at ang Presidentiabels

by Sankage Steno

Pagbibigyan ko si Binay. Gagamitin ko ang paghahambing na ginamit niya kahapon sa ikalawang #PiliPinasDebates2016 para kilatisin ang mga tumatakbong kandidato sa pagkapangulo.

Isa kasi sa pinakatumatak na tagpo sa pasabog na debate kahapon ay ang paulit-ulit na paggamit ni Binay kay Goebbels para patutsadahan ang kanyang mga kalaban. Una niya itong ginamit kay Roxas at sumunod naman kay Poe.

Si Joseph Goebbels ay kaibigan at katiwala ni Adolf Hitler, ang chancellor-dictator ng Germany at pinuno ng Nazi Party. Si Goebbels ay itinalaga ni Hitler bilang Minister for Public Enlightenment and Propaganda. Bale ang trabaho niya ay pagandahin ang imahe ng mga Nazi at siraan o puksain ang kahit anong kontra sa kanila.

Sumikat siya sa katagang ito:

If a lie is repeated often enough, it becomes accepted as truth.

Pero di ako nakasisiguro kung siya nga mismo ang nagsabi niyan o sa kanya na lang naikabit dahil sa paulit-ulit na paggamit.

Dahil inihalintulad ni Binay si Roxas kay Goebbels (mamaya na si Poe), masasabing si Roxas daw ay isang sinungaling at propagandista ng administrayong PNoy. Siya ang dakilang tagapagtanggol ng Daang Matuwid, at lahat ng diumano’y atake rito ay pinapabulaanan niya at ginagamitan ng datos para pasinungalingan.

Kung tama o mali ang mga datos na ibinibigay ni Roxas ay ipapaubaya ko na sa iyo ang pananaliksik.

Kung ito ang paniniwala ni Binay, minarapat kong lahatin na sila sa ganitong uri ng pagkukumpara.

Kung si Roxas ay si Goebbels, si Duterte naman ay si Johann Reichhart.

Si Reichhart ay mas kilala sa tawag na ‘German Executioner.’ Noong World War II, trabaho niyang patayin o bitayin ang lahat ng kalaban ni Hitler. Sa sobrang dedikasyon niya sa trabaho at sa sobrang paniniwala niya na tama ang kanilang ipinaglalaban, umabot sa 3,000 ang pinatay o ipinapatay niya.

Mabalik tayo kay Poe. Para sa akin, hindi siya katulad ni Goebbels kahit pa lumalabas sa ilang pahayag niya na kampi siya o pabor sa administrasyong PNoy. Kung ako ang tatanungin, si Poe ay si Douglas MacArthur.

Madali lang ang paliwanag. Una, alam naman nating lahat ang sikat na linya ni MacArthur, di ba?

I shall return.

Tulad niya, si Poe ay bumalik din sa Pilipinas noong mamatay ang kanyang ama. Bukod dito, ngayon ay layon niyang tulungan ang bansa laban sa kahirapan, korapsyon at pagkaalipin nito. Iyon nga lang, tulad ni MacArthur, isa siyang Amerikano.

Wala si Santiago kagabi sa debate dahil sumailalim siya sa isang clinical trial ng isang bagong gamot para sa cancer. Pero bibigyan ko rin siya ng panibagong persona.

Para sa akin, si Santiago ay si Reinhard Gehlen, isang Alemang heneral na nagsilbi kay Hitler bilang hepe ng Foreign Armies East military intelligence. Bakit siya? Simple lang…

Matalino.

At ang pinakahuli. Syempre, hindi ko palalampasin ang pagkakataong ihalintulad din si Binay sa isang karakter noong World War II. Kung si Roxas ay si Goebbels, si Duterte ay si Reichhart, si Poe ay si MacArthur at si Santiago ay si Gehlen…

Si Binay naman ay si Hitler.