Walang-wala si Leni

by Sankage Steno

Si Grace Poe talaga ang balak na itambal ni PNoy kay Mar Roxas bilang bise-presidente nito, pero dahil malakas sa survey ang anak ni Da King, tumanggi siya sa alok nito at piniling tumakbo bilang pangulo.

Kaya si Leni Robredo ang napiling tumakbo bilang VP ni Mar.

Medyo “pabebe” pa si Leni noong una. Sa pagkakaalam ko, kinailangan pa s’yang “ligawan” o pakiusapan ni PNoy para tumakbo bilang katambalan ni Mar. Dito lumalabas ang unang bagay na wala kay Leni.

1. Wala siyang balak tumakbo bilang VP. 

Kinailangan pa niyang konsultahin ang mga anak niya at mag-isip nang mataimtim bago tanggapin ang hamon ng pagiging pangalawang pangulo. Para sa akin, pagpapakita ito ng kababaang-loob.

Naalala ko noong 2013 nang tumakbo siyang congresswoman sa Camarines Sur. Ang akala ng marami ay tatakbo siya bilang senador. Sariwa pa sa alaala ng mga Pilipino ang pagkamatay ng asawa niya, si Jesse, kaya marami siyang makukuhang “sympathy votes.” Pero di niya ginawa. Pinili pa rin niya ang mas mababang posisyon na sa tingin niya ay mas magiging mabisa siyang public servant.

Sa katunayan, wala rin siyang ambisyong tumakbo bilang pangulo ng bansa. Di tulad ng ibang kalaban niya ngayon.

2. Wala siyang kayabang-yabang sa katawan.

Namamasahe lang siya kapag umuuwi ng Naga City. Nag-aabang ng bus katulad ng ibang pasahero. Wala siyang kasamang bodyguards o escorts. Wala siyang wang-wang o convoy kapag bumabiyahe. Walang kaere-ere talaga.

Pwede naman nating sabihin na pakana lang niya lahat nang ito. Ang kaibahan nga lang, ginagawa na niya ito bago pa man siya “sumikat.” Ganito na ang nakagawian niya bago pa man siya nakilala ng mga tao matapos ang pagkamatay ni Jesse. Masyado siyang consistent sa ginagawa niya para sabihing pakitang-tao lang ang lahat nang ito.

Tingin ko pa nga, wala rin siyang make-up. Tingnan mo pa rito. Kung meron man, sobrang kaunti lang. Hindi tulad ng mga “first lady” ng ibang pulitiko o ibang babaeng kongresista na todo-postura lagi lalo na kapag SONA ng pangulo.

3. Wala siyang magarang mansyon o mamahaling sasakyan.

Simple lang ang bahay nila sa Naga. Baka nga mas malaki pa yung lumang bahay namin sa probinsya. Wala rin akong alam na mamahaling pag-aari nila na pwede mong paghinalaang galing sa kaban ng bayan ang pinambili.

Wala rin siyang bahid ng korapsyon. Isa sa dalawang bagay ang maaaring totoo: Mahal na mahal siya ng media kaya hindi inuulat ang pangungurakot niya o hindi talaga siya kurakot.

Mas kapanipaniwala sa akin ang pangalawa kung pagtutuunan ko ng pansin ang uri ng pamumuhay na mayrooon siya.

4. Wala siyang pinoprotektahang padrino.

Hindi siya tuta ni Danding Cojuangco o ni Ramon Ang o ng kahit na sinong negosyante. Hindi siya crony ni Ferdinand Marcos. Hindi rin naman siya puppet ni PNoy.

Sa madaling salita, wala siyang pinagkakautangan ng loob. Ibig sabihin nito, kung manalo man siya bilang pangalawang pangulo, hindi niya poproblemahin ang interes ng mga negosyanteng tumulong o nagpondo sa kampanya niya. Ang lahat ng magiging desisyon niya ay hindi para paboran ang iilang tao kundi para sa mas nakararaming Pilipino.

5. Wala siyang katulad.

Wala akong maisip na pulitikong katulad ni Leni. Hindi siya katulad ni PNoy dahil laki sa kilalang pamilya ang ating pangulo. Hindi siya katulad ni Mar dahil kilala rin ang mga Roxas at mayaman pa. Lalo namang hindi siya katulad ng mga Marcos. Sobrang layo sa ugali pa lang at sa uri ng pamumuhay na mayroon sila.

Hindi rin siya katulad ni Duterte dahil ang layo ng pananaw nila sa buhay, maging ang pag-uugali nila at paraan ng pagpapatakbo sa nasasakupan. Hindi rin siya katulad ni Santiago dahil laging mahinahon magsalita si Leni at hindi mapagmalaki sa mga nakamit sa buhay.

Ang pinakamalapit ko nang naiisip na katulad ni Leni ay si Jesse Robredo. Oh well. Ano pa bang nakakagulat doon?