Amazona ng Naga

by Sankage Steno

Si Wonder Woman ang pinakamagandang nangyari sa Batman v Superman: Dawn of Justice. I’m not saying na pangit yung pelikula. Okay naman s’ya. Nakakaantok lang nga sa umpisa pero bumawi naman sa bandang dulo. Mas nagustuhan ko s’ya kumpara sa Deadpool.

Bukod kay Wonder Woman, ang isa pang nagustuhan ko sa BvS ay yung paghahalo ng pulitika sa kwento ng mga bida. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara rin yung mga karakter sa pelikula sa mga tumatakbong pulitiko rito sa atin ngayon.

Para sa akin, si Wonder Woman ay si Leni Robredo.

Sa umpisa, ayaw niyang makigulo sa pulitika at sa namumuong sigalot sa pagitan nina Batman at Superman. Pero tumulong din s’ya sa huli nang makita n’ya ang malaking panganib na nakaamba.

Ganito rin si Robredo. Hindi s’ya mapulitikang tao, pero handang tumulong kung kinakailangan. Lumalaban siya para sa mga taong nasa laylayan ng lipunan at para sa mga inaapi.

Kung si Wonder Woman ay may superhuman powers, si Robredo naman ay may super humane power. Kung si Wonder Woman ay may lasso of truth, si Robredo naman ay may paninindigan sa katotohanan. Kung si Wonder Woman ay may indestructible bracelets/cuffs, si Robredo naman ay may matibay na integridad.

In other words, si Robredo ang Amazona ng Naga. (Parang PBB lang ang peg.)

Sa ibang mga karakter naman, nakita ko sa katauhan ni Superman si Mar Roxas.

Bago ka umangal d’yan, siguraduhin mo munang napanood mo na ang pelikula. Kung hindi pa at may balak kang panoorin, maaari ka nang tumigil sa pagbabasa dahil spoiler na ang kasunod nito.

Binalaan na kita.

Kung nagbabasa ka pa rin, narito ang paliwanag: Sa BvS, biktima si Superman ng black propaganda. Siniraan s’ya ni Lex Luthor at pinalabas na ang Man of Steel ang sanhi ng maraming pagpatay sa mga inosente at kaguluhan sa Metropolis.

Ganito rin ang nangyayari kay Roxas ngayon. Maraming galit sa kanya dahil sa mga mapanirang memes at videos na lumalabas sa Facebook at iba pang social media. Marami sa mga ito ay peke, photoshopped, walang malinaw na source at ginawa lang para sirain ang reputasyon ni Roxas.

Ang totoo, gaya ni Superman, ginagawa lang naman nila yung kanilang “trabaho” para sa ikabubuti ng mga tao. Do they bleed? Yes, definitely. Which makes them both imperfect and human.

Nakikita ko naman kay Batman si Rody Duterte.

Pareho nilang gustong sugpuin ang krimen at maghatid ng kapayapaan sa nasasakupang lugar. Iyon nga lang, gumagamit sila pareho ng extrajudicial methods para makamit ang “kapayapaan.”

Hindi kasi masugpo ng kapulisan ang krimen kaya sila na mismo ang naglagay ng batas sa mga kamay nila. Tama ba ito? Depende ‘yan sa ideology mo sa buhay. Mabisa ba ang paraang ito? In a way, oo, dahil nabawasan ang krimen. Nalutas ba ang problema ng bayan/Gotham? Hindi. Kasi may krimen pa rin naman.

Pero kahit di pa lubos na mapayapa, si Batman at si Duterte ay parehong ginagawa ang sa tingin nila ay makakabuti sa mga tao, kahit pa lumabag sila sa batas.

Itutuloy…

P.S.
Abangan sa susunod kong blog kung sino naman sa mga tumatakbong pulitiko ngayon ang kahalintulad ni Lex Luthor at ni Doomsday. Alam kong may ideya ka na kung sinu-sino sila.🙂