Bongbong = Doomsday incarnate

by Sankage Steno

Sa blog ko kahapon kung saan inihalintulad ko ang mga karakter ng Batman v Superman: Dawn of Justice sa mga kumakandidatong pulitiko sa atin, sinabi kong si Duterte si Batman, si Roxas si Superman at si Robredo si Wonder Woman. Narito naman ang natitira pang mga karakter sa pelikula at ang kanilang mga katumbas.

Para sa akin, si Lex Luthor ay si Jejomar Binay.

Pareho silang mautak at maraming pera. Pareho silang sinungaling at nakakainis. Pareho silang ambisyoso at mataas ang tingin sa sarili.

Sa totoo lang, inis na inis ako kay Lex sa pelikula, hindi dahil mabisa s’yang kontrabida pero dahil nakakairita yung pagganap nung artista. Mas nagmukha s’yang Joker sa akin kesa Luthor.

Ganitong-ganito rin naman ang inis na nararamdaman ko sa tuwing mapapanood ko ang mga commercial ni Binay sa telebisyon at sa tuwing maririnig ko siyang magsalita. Akala mo kung sinong api at maralita. Trapong-trapo lang ang dating. Tapos sasabihin ni Duterte na qualified s’yang maging pangulo? Typical demagogues.

Si Doomsday naman si Bongbong Marcos.

Ang totoo n’yan, matagal kong pinagpilian kung si Marcos ba o si Binay ang dapat kay Doomsday. Actually, kahit sino naman pwede. Malaya silang nagpapalitan.

Pinili ko si Bongbong para kay Doomsday dahil oras na manalo s’ya o—gasps—maging pangulo ng Pilipinas balang araw, doomsday na talaga sa bansa natin. Tayo na mismo ang gumawa ng sarili nating ikasisira.

Biruin mo, pinaalis na nga natin sa Malacanang yung pamilyang Marcos dahil sa dami ng ninakaw at pinapatay nila, tapos ngayon unti-unti na naman nating ibinabalik sila sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno? Hindi lang s’ya nakakatawa at nakakabwisit at the same time, nakakatakot pati.

Isa itong malaking sampal (na may kasamang suntok, waterboarding at Russian roulette) sa mga biktima ng martial law at sa milyun-milyong Pilipinong lumaban sa mga Marcos noon para maibalik ang demokrasya, ang kalayaan at ang karapatang-pantao ng bawat mamamayan. In other words, Dooms + day.

Bonus:

Fine, bibigyan ko na rin ng katumbas na pulitiko si Lois Lane. Para sa akin, katulad niya si Grace Poe.

Mahina lang si Lois, walang superpower, pero may puso naman. Bukod sa mabait, hangad din niyang tumulong sa abot ng kanyang makakaya.

Ganito rin si Poe ayon sa kanyang branding: Gobyernong may Puso.

Wala akong masabi masyado dahil baguhan pa lang si Poe sa pulitika. Ang alam ko lang, anak s’ya ni FPJ at dati s’yang head ng MTRCB. Wala rin akong alam masyado kay Lois. Kaya, ayun, match sila.