Para sa mga pasaway na turista noong Holy Week

by Sankage Steno

Nagsumbong sa ‘kin yung officemate ko na pumunta ng Calaguas Islands noong Holy Week. Bukod daw sa maraming tao, nagkalat din daw yung mga balat ng chichirya, lata ng inumin, bote, upos ng sigarilyo at kung anu-ano pang basura sa buhanginan at dagat ng isla.

Ang ginawa ng kaibigan ko, niyaya n’ya yung mga kasama n’yang mamulot ng basura para tulungan yung mga tagaroon na linisin yung napakagandang lugar na ‘yon sa Camarines Norte. Buti na lang game yung tropa n’ya. Kudos sa inyo!

Pero kutos para dun sa mga iresponsableng turistang nag-iwan ng kalat nila sa buhangin at sa dagat.

Mga wala kayong pinag-aralan. Kahit meron naman talaga. Wala kayong disiplina. Gusto n’yo pang may isang lider magdisiplina sa inyo para tumino kayo. Di n’yo ba kayang gawin ‘yon sa sarili ninyo? Dapat ipakain sa inyo ‘yang mga basura ninyo. Mga gunggong.

Hindi lang sa Calaguas ‘yan. May isa pa ‘kong kaibigan sa Facebook na nagreklamo naman dahil ganun din daw yung nangyayari sa Kalanggaman Island sa Leyte. Ang ganda-ganda ng lugar, sobrang linaw ng tubig, kaya naman kitang-kita mo raw yung mga nakasuksok na lata o sigarilyo sa puting buhangin sa isla.

Ang yayabang n’yong mag-post ng selfie n’yo sa Facebook at Instagram, pero wala naman kayong breeding. Hindi kayo sanay mangalaga sa mga natural na yaman ng bansa natin. Iyan na nga lang yung ilan sa maipagmamalaki natin sa mundo, sisirain n’yo pa? Tapos kapag nasira na, sisisihin n’yo yung gobyerno? Magrereklamo kayo? Mga inutil.

Hindi pa ‘ko tapos. Nasusunog pa rin yung Mt. Apo ngayon. Nagsimula raw yung sunog dun malapit sa may camp site. Hindi pa alam ng mga tagapangalaga ng bundok kung ano talaga ang sanhi ng forest fire, pero hindi malayong dahil ‘yon sa mga hikers o mountaineers na nandun sa camp site. Baka may isang nanigarilyo at itinapon ang upos sa kung saan lang nang hindi pinapatay yung baga.

Napakahusay. Naturingan pa man din kayong mountaineers, pero di kayo sanay mangalaga sa bundok. Ang tatanga ninyong mga hinayupak kayo. Alam n’yo ba kung ga’no kahirap puksain ang forest o grass fire? Sa tingin n’yo ba may bumberong makakaakyat sa bundok? Sa tingin n’yo ba makakasalok kayo ng tubig sa ilog o lawa nang ganun kadali?

Hindi kayo nag-iisip. Wala kayong foresight. Nasa bayag o puki n’yo ba ‘yang utak n’yo? Alam n’yo ba kung ga’no katagal bago maka-recover yung bundok sa paninirang ginawa n’yo (allegedly)? Mga gago.

At para naman sa mga tagapangasiwa ng mga likas na yaman at tourist destination natin, sa local government units, nakikiusap po ako, paigtingin n’yo pa yung pagbabantay at pangangalaga sa nasasakupan n’yo. Di ba may environmental fee kayong kinokolekta sa mga bisita ninyo? Gamitin po ninyo nang maayos. Kayo rin ang mawawalan ng kabuhayan kapag nasira ‘yang lugar n’yo.

Parusahan din po ninyo yung mga pasaway na turista o dayo. Pagbayarin, ikulong at ‘wag nang pabalikin kung kinakailangan. ‘Yang mga pasaway na ‘yan ang dahilan ng maraming problema sa bansa. Kung makapanisi kayo ng mga petty criminals, kala mong di kayo kriminal mismo dahil sa kawalan n’yo ng disiplina. Mga ipokrito.

Pweh!