Susunod na ang Main Library

by Sankage Steno

Mga Isko at Iska, magtika at magsisi na tayong lahat. Pinaparusahan na tayo ng diyos! Isa-isa nang tinutupok ng apoy ang mga gusali sa pamantasan nating mahal. Nakakatakot. Nakakalungkot.

Yeshua is real! Feel the wrath of Yeshua!

Mga wala kasi tayong kinikilalang diyos. Atheist daw kasi tayong lahat at mga aktibista. Napupunta lang daw sa wala ang buwis na pinang-aaral sa atin kaya nangyayari yung halos sunud-sunod na panununog sa loob ng ating napakagandang campus.

Nagkamali ako ng premonition. Ang hula ko noong isang taon, matapos masunog ang Alumni Center at ang CASAA, ay susunod naman ang Shopping Center. Maling-mali ako. Faculty Center pala! Diyos lang talaga ang nakakaalam ng katotohanan. Sa diyos lamang napapanatag ang ating kaluluwa. Sa kanya nagmumula ang ating pag-asa at kaligtasan!

Yeshua is not dead! Yeshua’s righteous indignation is upon us!

Naniniwala pa rin akong panahon lang ang makapagsasabi kung kailan masusunog ang Shopping Center. Pero kung uso na talaga ang sunugan sa UP campus ngayon, malakas ang vibrations na nararamdaman kong nalalapit na rin ang pagtupok sa Main Library. This is Alexandria 2.0!

Ikamamatay ko kung masusunog ang libo-libong libro sa ating silid-aklatan. Ikamamatay ko kung mawawasak ang mga microfilm, journals, newspapers at kung anu-ano pang taguan ng talino at kaalaman ng napakaraming akademiko sa iba’t ibang parte ng mundo at sa iba’t ibang panahon. ‘Wag naman sana, Yeshua.

Oh, Yeshua, please spare the Main Lib. Yeshua, have mercy on knowledge.

Kaya nananawagan po ako kay Dr. Michael Tan, ang ating butihing chancellor. Dr. Tan, sigurado ka bang aksidente lang ang lahat ng sunog sa campus? Wala ka ba talagang alam sa mga sunog na ito? At ano nang nangyari sa mga naunang sunog? Ano ang dahilan? O sino ang dahilan? Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapalaluan. Nagtatanong lang po.

Sana lang po ay magkaroon tayo lagi ng fire drill at fire prevention campaigns para mapangalagaan hindi lang po ang kaligtasan ng mga atheists at aktibista, kundi maging ng mga pananaliksik, libro, record at mahahalagang dokumentong nasa pangangalaga ng unibersidad. Hindi po matatawaran ang halaga ng mga karunungang narito.

Knowledge is power nga raw po sabi ni Ernie Baron, SLN. Pero knowledge din daw po ang greatest enemy of faith, sabi sa isang pelikulang napanood ko noon pa. Kaya talaga siguro galit na galit si Yeshua sa ating mga Isko at Iska. Nalalapit na talaga ang araw ng paghuhukom.

Saglit, I have a vision:

I see fire burning the trees, and I see fire hollowing souls. I see fire, blood in the breeze…

Mukhang masusunog na ang buong Sunken Garden at … oh no … ang Main Library. Yeshua, no!