Papa Fernando

by Sankage Steno

Nakasalubong ko si Fernando Zobel de Ayala kaninang umaga habang naglalakad papasok sa opisina. Di ko na lang sasabihin kung saang parte ng Makati dahil baka pag-isipan n’yo pa ‘ko (o si Fernando) nang masama.

Eto clues: 1) Basta nasa pagitan s’ya ng Rich Makati ng mga Ayala at Poor Makati ng mga Binay. 2) Freedom.

Nalito pa nga ako kung si Jaime Augusto Zobel de Ayala ba s’ya o si Fernando. Pero dahil mukhang mas bata yung nakasalubong ko kanina, in-assume kong si Fernando nga s’ya. (Actually, ginoogle ko pa yung images nila just to double-check.)

Nagkasalubong kami ng tingin, pero ako na yung unang umiwas. Pa-virgin, ganyan. Na-starstruck kasi ako, shet, kahit ilang beses ko na s’yang nakita sa mga coverage ko dati sa Makati, sa press conferences. Mas malapitan kasi kanina at, well, nakita ko kung ga’no kalayo ang agwat ng kutis ng isang elitista sa kutis ng isang uring manggagawa.

Nakaka-insecure.

Pero ang gwapo n’ya, shet. Kahit medyo matanda na, nakakabakla pa rin. I’m sure mababakla ka kapag nakita mo s’ya nang malapitan. Porselanang-porselana yung kutis. Nakailang stem cell therapy na kaya s’ya? Tapos ang ganda pa ng ayos ng buhok, parang nagpapa-parlor tuwing umaga bago lumabas ng bahay. Kainis.

So di ba nga ginoogle ko s’ya? Nalaman kong sa Harvard pala s’ya nagtapos. Grabe, s’ya na. Mayaman at gwapo na nga, matalino pa. Kung may diyos nga, isa s’yang napaka-unfair na diyos. Nakakabwiset. Lahat na lang ibinigay sa isang tao. Samantalang ako, gwapo’t matalino lang. #Wew

Papasakay na si Fernando sa amazing n’yang kotse (may chauffeur syempre), nang nagkatinginan kami. Pagkaiwas na pagkaiwas ko ng tingin, hinabol n’ya ‘ko. Sabi n’ya sa ‘kin, ihahatid na raw n’ya ako sa opisina. Sabi ko, “No thanks.”

“Please, I insist,” sabi n’ya.

“I love my morning walks.”

“Fine, then I’ll walk with you.”

Wew, pantasya. Tangina.

Habang naglalakad kami sa lugar kung saan nagsasalubong ang Makati ng mga Ayala at Makati ng mga Binay, tinanong ko s’ya kung sino ang iboboto n’yang pangulo sa darating na eleksyon.

“Mar Roxas,” sabi ni Fernando.

Syempre hindi ka naman siguro ganun kabobo para paniwalaan ‘yang dialogue namin, ‘no? Hindi ka naman siguro ganun kautu-uto tulad ng mga supporter ng isang kandidatong itago na lang natin sa pangalang Tae, ‘no?

Anyway, hindi naman malayong iboto nga ni Fernando (at ng mga Ayala) si Mar Roxas. Aba, yumaman kaya sila lalo dahil sa BPO industry na itinaguyod at ipinaglaban ni Mar noong DTI secretary pa lang s’ya. Ang daming foreign companies ang nagtayo ng building at nag-rent ng opisina sa Ayala at BGC, mga lupaing pag-aari nina Fernando at JAZA.

So kung business perspective ang paiiralin natin, naniniwala akong pro-Mar si Fernando.

Pero tama na muna ang pulitika. Basta hindi ko lang talaga pwedeng palampasin na nagkatinginan kami kaninang umaga ni Fernando. Ang gwapo n’ya talaga, shet. Nakaka-insecure. Buti gwapo rin ako.