St. Peter’s fish

by Sankage Steno

Tilapia lang ‘yan. Kung mapupunta ka sa Roma o sa Vatican at may nakalagay na ganyan sa menu, don’t be fooled, okay?

Now to my topic.

Meron daw bagong influenza-like virus na pumapatay sa mga tilapia (wild and farmed) sa iba’t ibang parte ng mundo, particularly sa Israel at Ecuador. Ang ipinangalan nila rito ay sobrang creative at “unscientific,” tilapia lake virus (TiLV).

Medyo nalungkot ako sa pangalan n’ya. Hindi s’ya nakakatakot tulad ng mga pangalang ibinibigay sa avian flu viruses gaya ng A(H5N1) o A(H7N9). Bakit? Porke di nakakalipad yung mga isda, ganun na lang kasimple yung ipapangalan sa sakit nila? That is so unfair!

Anyway, mas nakakalungkot na yung isa sa pinagkukunan ng protein nating mga mahihirap e nagdedelikado ngayon. Sa Israel na nga lang, bumagsak na ang produksyon ng tilapia by 85 percent. Ang laki no’n, grabe. Kung dati e nakakahuli sila ng 10 isdang malulusog, ngayon ay nasa isa o dalawa na lang.

Pa’no na lang kung madamay yung mga tilapia natin dito sa Pilipinas? Sa’n na tayo kukuha ng protinang galing sa murang pagkain? Sa bangus? Sa baboy at baka? Ang mamahal kaya ng mga ‘yon. Ang alam ko lang na murang source ng protein maliban sa tilapia ay yung mga binebentang ihaw-ihaw d’yan sa kalye tulad ng isaw, tokong, adidas at kung anu-ano pang laman-loob ng manok o baboy.

E di rin naman pwedeng araw-arawin yung mga ‘yon dahil baka madale naman tayo ng hepatitis. Bibihira lang kaya yung mga nagtitinda no’n nang malinis. (Shet, na-miss ko bigla yung mga ihaw-ihaw sa ‘min sa probinsya. Di bale, sa birthday ko, ‘yun ang treat ko sa sarili.)

Sa ngayon, wala pang gamot para sa TiLV. Ni hindi pa nga alam ng mga siyentipiko yung mga bagay-bagay tungkol sa virus na ito. Ang alam lang nila, nagkakamatayan yung mga tilapia.

Ano na lang kayang iisipin ni St. Peter kung malaman n’yang yung mga tilapiang hinuhuli n’ya dati sa Sea of Galilee e unti-unting inuubos ng virus ngayon? Sana naman pakiusapan n’ya yung bro n’yang si Hesus na ayusin yung problemang ‘to. Malaki ang utang na loob ni San Pedro sa mga tilapia. Kung di dahil dito, hindi n’ya makikilala ang Mesiyas at hindi s’ya magiging fisher of men. Isa pa, di rin s’ya magiging first Pope.

Ipagdarasal ko na lang muna yung mga tilapia sa iba’t ibang panig ng mundo, at sana hindi makaabot sa bansa natin yung virus. Gusto kong malaman n’yo na isa kayo sa mga paborito kong isda dahil murang-mura lang at, higit sa lahat, queer kayo.

Fish be with you, mga kabaro.