Bakit si Mar?

by Sankage Steno

Ang daming nagtatanong at nagpapakumbinsi sa akin kung bakit si Mar Roxas ang dapat nilang iboto. Akala siguro nila ako ang campaign manager ng dating tinaguriang Mr. Palengke. Pero di ako nagrereklamo. Natutuwa ako dahil kinukonsidera nila ang ibang tao maliban sa gusto nilang iboto at dahil napapaisip na sila talaga.

Ibabalik ko rin ang tanong sa inyo: Bakit ayaw mo kay Mar Roxas?

Dahil ba trying hard s’ya sa pagiging masa? Dahil ba napaniwala ka na sa mga meme na nakita mo sa Facebook? Dahil ba sa Yolanda funds? Dahil sa MRT? Dahil ayaw mo sa Daang Matuwid?

Masyadong hahaba ang blog ko kung sasagutin ko ‘yan isa-isa. Baka hindi ko na talaga masabi yung dahilan kung bakit si Mar Roxas ang napili kong iboto sa darating na halalan. Sasagutin ko lang yung huling tatlo.

Ang pondo para sa mga biktima ng bagyong Yolanda ay napasakamay na ng mga NGO at local government units. Kung may pera mang nawawala, tanungin n’yo yung mga mayor, governor at congressman sa mga lugar na nasalanta, pati na rin yung mga NGO na binigyan ng pera ng foreign donors. Wala kay Mar Roxas ang pera, nasa kanila.

Ang isyu ng MRT ay sobrang masalimuot. Bago pa naluklok si PNoy sa pwesto, may hidwaan na sa management ng MRT sa pagitan ng pamahalaan at ng mga pribadong kumpanyang nagpapatakbo nito. Saglit lang naupo bilang DOTC secretary si Mar, kaya malabong malutas n’ya ang problema sa MRT sa ganung kaiksing panahon. Hindi lang MRT ang nasasaklaw ng DOTC.

Ang Daang Matuwid ang pinakamagandang nangyari sa Pilipinas matapos ang EDSA People Power Revolution. Lumago ang ekonomiya. Nasiwalat ang korapsyon at napakulong ang maraming magnanakaw sa pamahalaan. Maraming mahihirap ang ngayon ay gumiginhawa na ang buhay.

Mahirap paniwalaan yung huli kong sinabi tungkol sa mahihirap kaya susubukan kong ipaliwanag sa inyo. Ito rin ang pinakadahilan kung bakit ko iboboto si Mar Roxas.

Nasabi ko sa blog kong “Daang Madugo” na I prefer continuity over change. Heto ang dahilan: 4Ps

Pantawid Pamilyang Pilipino Program

Maraming hindi nakakaintindi sa programang ito ng gobyerno at maraming hindi nakakaalam dahil hindi naman nilalagay ni PNoy yung pangalan n’ya sa tarpaulin o sa perang binibigay sa mahihirap. Ipapaintindi ko sa inyo ngayon.

Ang 4Ps ang isa sa pinakamagandang legacies ng PNoy administration. Sa kamay ng mga pulitikong hindi nakakaintindi nito, maaari s’yang mawalan ng saysay. Sa kamay naman ng kurakot na pulitiko, maaari itong maging kasangkapan sa korapsyon dahil bilyong halaga ang nakapaloob dito.

Ano ba ang 4Ps?

Ito ay programang naglalayong tuldukan ang paikot-ikot at papasa-pasang kahirapan sa maraming pamilyang Pilipino. Kada buwan ay nagbibigay ang pamahalaan ng P1,500 sa piling-piling mahihirap na pamilya sa buong bansa. Bukod sa salang-sala ang mga makakatanggap, may tatlong kondisyon din na kailangan para makakuha sila ng pera:

  1. Ang pinuno ng pamilya ay dapat siguruhing pumapasok ang mga anak sa paaralan at magkaroon ng di bababa sa 85% na attendance.
  2. Ang pinuno ng pamilya ay dapat dalhin lagi ang pamilya niya sa health center para mapangalagaan ang mga nanay na nagbubuntis at para mapabakunahan ang mga anak.
  3. Ang magulang na tumatanggap ng pera buwan-buwan mula sa pamahalaan ay dapat dumalo sa buwanang family development sessions.

Sa ngayon, 4.6 milyong pamilya ang nakikinabang dito. Kung matitigil ito sa pagpapalit ng pangulo, kawawa sila. Hindi lang basta kahirapan ang sinusolusyonan ng 4Ps.

Ang pinakanireresolba ng 4Ps ay ang kahirapang pinamamana ng magulang sa anak, at ng anak sa magiging anak nila.

Isipin mo kung si Grace Poe o si Rody Duterte ang maluluklok at hindi naman ito lubos na nauunawaan. Baka matigil ito o hindi matugunan yung talagang nangangailangan. Isipin mo naman kung si Jojo Binay ang mananalo. Baka gamitin n’ya yung pera para sa patronage politics kundi man n’ya ito nakawin.

Si Miriam, tiwala ako sa kanya, kaya lang may sakit s’ya, at hirap akong ipagkatiwala ang bansa sa isang may sakit. Pasensya na.

Si Mar Roxas lang ang nakikita kong makakapagpatuloy nito nang hindi kinukurakot ang pera at hindi nawawala sa tunay na layunin ng programa. Pero may isa pang dahilan kung bakit siya ang iboboto ko. Ito ay ang kanyang ka-tandem…

Si Leni Robredo.

Kung ipagpapatuloy ni Mar Roxas ang Daang Matuwid at nariyan pa si Leni para sumoporta sa mga programang pangmahirap tulad ng 4Ps, panatag akong maraming maiaahon sa hirap at patuloy na lalago ang ekonomiya natin.

Kapag lumago ang ekonomiya, dadami ang trabaho. Kapag maraming trabaho, mababawasan ang magnanakaw at ibang gumagawa ng krimen. Kapag may kapayapaan, lalong lalago ang ekonomiya. Repeat cycle.

Para mas maliwanagan ka pa sa plataporma ni Mar Roxas, pumunta ka sa link na ito.