Ano bang kinalaman ni Mar sa call center?

by Sankage Steno

Napanood mo na siguro yung nakakainis/nakaka-enlighten na video ni Carlos Celdran tungkol sa BPO millennial. Kung ano man ang naging reaksyon mo, hayaan mong mas ipaliwanag ko pa para hindi tayo magpatayan dahil sa sakit-sa-ulong eleksyon na ito.

Hindi ako naniniwalang si Mar Roxas ang “Father of the BPO Industry” sa Pilipinas, gaya ng claim ni President Aquino, pero naniniwala akong si Roxas ang dahilan kung bakit yumabong ang industriyang ito at nagsulputan ang mga kumpanyang tulad ng Accenture, Sitel, Convergys, Teleperformance, JP Morgan Chase, HP, IBM, Capgemini, Sykes, TeleTech at marami pang iba.

Ano bang ginawa ni Roxas kasi?

Noong DTI Secretary pa lang s’ya sa administrasyon nina Pangulong Estrada at Arroyo, itinatag niya ang Contact Center Association of the Philippines na naglalayong gawing global leader ang Pilipinas sa IT-BPO industry. Ito ang simula, pero hindi ito ang talagang nakapaghikayat sa mga kumpanya upang mag-invest dito.

Ang talagang nakapaghimok sa kanila ay ang inilabang pagbabago ni Roxas sa RA 7916 o “The Special Economic Zone Act of 1995.”

Anong pagbabago ang ginawa ni Roxas ba?

Hinimok n’ya ang mga mambabatas na ibahin yung isang probisyon sa nasabing batas. Gusto ni Roxas na ituring na special economic zone ang mga gusali o kahit yung mismong floor lang sa building kung saan nag-oopisina ang mga IT-BPO companies.

Kapag nasa special economic zone ang kumpanya mo, hindi mo kailangang magbayad ng national at local taxes. Syempre, kapag walang tax, maeengganyo ka talagang magtayo ng negosyo sa bansang ‘yon. Ito ang nagbigay-daan para dito mamuhunan ang mga nasabing kumpanya.

E teka, kung walang tax, pa’no kumikita ang gobyerno?

Hindi nga nagbabayad ng tax ang mga IT-BPO companies sa bansa, pero nagbibigay sila ng 5 percent ng kanilang kita o gross income sa pamahalaan. Bukod pa rito, yung income tax na kinakaltas sa milyung-milyong empleyado sa mga kumpanyang ito ay napupunta rin sa gobyerno.

Humigit-kumulang 1.3 million jobs ang nalikha ni Roxas at ng mga taong nagpasimula ng IT-BPO industry sa bansa, kabilang na si dating Pangulong Fidel Ramos.

At hindi lang basta-basta call centers ang pinag-uusapan natin dito. Hindi lang naman calls ang ina-outsource sa bansa natin. Ang IT-BPO industry ay mayroong walong subsectors:

  • Call centers
  • Software development
  • Game development
  • Engineering design
  • Animation
  • Medical transcription
  • Back offices
  • Knowledge process outsourcing

Isa ako sa mga nakinabang sa batas na ito, pero hindi lang naman iyon ang dahilan kung bakit si Roxas ang napili kong iboto. Nauna ko nang nabanggit yung dahilan ko sa blog na “Bakit si Mar?” at susundan ko pa ito sa ibang mga araw.

Inuulit ko: Natulungan ni Roxas na palaguin ang IT-BPO industry noong DTI secretary pa lang s’ya (pero di lang s’ya ang dapat pasalamatan). Hindi pa kasama ang mga nagawa n’ya bilang kongresista, senador at secretary ng DOTC at DILG.