Pederalismo

by Sankage Steno

Kung hindi nagbibiro si Mayor sa plano n’yang isulong ang pederalismo sa bansa, isa sa malaking pagsubok na kakaharapin ng administrasyon n’ya e yung pagkakahati-hati ng bansa sa mga federal states.

Pwede n’yang hatiin sa tatlo ang bansa: Luzon, Visayas at Mindanao. Ibig sabihin, ang bawat isang ‘yan e may kakayanang tumayo bilang isang “bansa” na may sariling batas at mga pinuno. Tapos, ang sentro ng kapangyarihan ay pwede n’yang panatilihin sa Maynila o ilipat sa kung saan, tulad ng Davao o Cebu.

Kung masyadong malaki ang Luzon, Visayas at Mindanao (for sure, maraming local leaders ang magrereklamo at/o mawawalan ng posisyon), pwede n’yang hatiin ang bansa sa 80. Kada probinsya ay ituturing na isang bansa o state. Hindi ko lang alam kung pantay ang hatian ng pondo o depende sa kinikita ng bawat lalawigan.

Ibig sabihin, kung maliit ang contribution ng probinsya sa GDP, maliit lang ang makukuha n’yang porsyento sa national budget. Kung ito ang ipatutupad, siguradong lugi yung mga mahihirap na probinsya at lalo namang yayaman yung mga mauunlad na.

Kung pantay naman ang hatian, lugi yung malalaking probinsya o yung mga lalawigang kumikita nang malaki (at may malaki ring pangangailangan sa budget).

Kung masyadong marami ang 80 states para sa pederalismo na isusulong ng susunod na pangulo, pwede rin namang ang gawing hatian ay per region. So kung ilang rehiyon ang meron tayo ngayon (kabilang ang CAR at ARMM), ganun din karami ang mga magiging states.

Ito yung nakikita kong pinakamagandang hatian, tapos lakihan na lang yung NCR. Pwede n’yang isama yung ilang lalawigan sa Region IV at Region III. Ang nakikita ko lang na problema rito e tulad nung sa una, yung hatian ng kapangyarihan sa mga pulitiko.

Mababawasan kasi yung mga governor at vice governor, pati na rin yung mga kongresista, dahil nga mas magiging concentrated ang power per region. Although pwede rin namang solusyonan ‘to sa pagtatalaga ng sort-of governor kada rehiyon nang hindi binabawasan ang kasalukuyang dami ng mga pulitiko.

I’m no expert on this matter, so pwedeng mali ang naiisip ko. Pero sigurado akong ang hatian ng kapangyarihan at nasasakupan ay isa lamang sa maraming hamong dapat lampasan ng bagong administrasyon kung seryoso itong ipatupad ang pederalismo sa bansa.

‘Wag sanang mabalewala o makaligtaan ang ibang suliranin ng Pilipinas kapag isinulong na ito ni Mayor.