Masakit na masarap

by Sankage Steno

Kapag napapatitig ako sa tattoo ko sa braso, naaalala ko yung sarap at sakit ng proseso ng paglalagay nito sa balat ko. At kapag naiisip ko yung pinaghalong sarap at sakit, parang gusto kong ulitin s’ya at magpalagay ulit. Sa madaling salita, nakakaadik.

Isa sa pinaka-cheesy at pinakatumatak na quote sa akin tungkol sa pain e yung sa The Fault In Our Stars na modern version ng A Walk To Remember (na sa aking palagay e mas maganda pa rin; naman, soundtrack pa lang). Sabi sa pelikulang ‘yon (sorry, di ko binasa yung libro):

That’s the thing about pain. It demands to be felt.

Totoong-totoo ‘to pagdating sa pagpapabatok. Sa oras na magdesisyon kang magpalagay ng tato, niyayakap mo ang posibilidad na masasaktan ka, at ginugusto mo s’ya. Bakit? Maraming dahilan, pero hindi ko pagtutuunan ng pansin yung metaporikang rason ng mga nagpapatato. Dun ako sa “metapisikal.”

May kakaibang sarap na nakukuha ang tao sa sakit o kirot o hapdi. Halimbawa, sa relihiyon, malaking bahagi ng ilang paniniwala na kailangan mong pagkaitan ang sarili paminsan-minsan para ipahayag lalo ang pananampalataya. Case in point, pagpepenitensya. May nagpapapako sa krus, may naghahampas ng sarili, may nagpapakagutom, atbp.

Isa pang halimbawa, sa pakikipagtalik. BDSM. Nakakadagdag ng libog at ligaya ang  pagdadagdag ng kaunting sakit habang nakikipagniig sa isang tao. Ipapaubaya ko na sa ‘yo ang pag-intindi sa bagay na ito sa sarili mong pamamaraan.

Sabi nga ni Britney, Hit me baby one more time. Sabi naman ni Rihanna, Sticks and stones may break my bones, but chains and whips excite me.

Ganito rin sa pagpapatato. Kapag natikman mo na ang sakit n’ya, tatatak na s’ya sa isip mo, at dahil kinaya mo naman sa unang pagkakataon, hahangarin mong maulit ang karanasang iyon. Masarap nga kasi ang masakit. Masarap ang nasasaktan nang paulit-ulit. Itanggi mo man s’ya sa ibang tao.

May naisip na ‘kong bagong ipapabatok sa aking braso. Kailangan ko na lang humanap ng mahusay na artist. Hindi man n’ya matapatan yung sakit nung unang beses akong nagpatato, umaasa ako mahihigitan n’ya ang rikit ng dibuhong ilalagay ko sa aking balat.

Ito muna ang pagtutuunan ko ng pansin habang naghihintay at naghahanap.

 

Advertisements