I-hold mo pa yung door nang maingudngod kita d’yan

by Sankage Steno

Marami-rami na naman akong ia-unfriend dahil sa mga spoiler na lumilitaw sa Facebook timeline ko. Kahit ano pa ‘yan, movie man o TV series, basta consistent ka sa paglalagay ng spoiler sa status mo, bilang na ang araw ng pagkakaibigan natin sa social media. Hindi kita panghihinayangan. Namu.

Kung pwede nga lang makipagsuntukan sa Facebook, nako, matagal ko nang binungi yung marami kong kaibigan do’n. Pasalamat kayo at hindi pa naiimbento ang 5D. ‘Pag pwede nang lumusot ng kamao ko sa screen para sapakin kayong mga spoiler scumbags, hindi ko kayo tatantanan. Magsuot na kayo ng helmet kapag nagfe-facebook.

Akala n’yo ba political at religious views lang ang criteria ko sa pag-a-unfriend? Mali kayo. Kasama na rin ang pang-i-spoil. Feeling n’yo kinaganda’t kinayaman n’yo ‘yan? E ano kung nauna kayong manood? E di wow. Galing mo e. Una kang namirata sa Torrent. Ikaw na nakapanood sa premier night. Ikaw na ang natapat sa sweldo ang showing. Palakpakan.

Ulul.

Dapat sa inyo pinapa-walk of shame. Dapat sa inyo pinapa-death squad. Dapat sa inyo pinapakain sa mga titans.

Oo, alam ko nang namatay si ano at si ano. Patay na rin si ano sa pelikulang ano. Si ano patay na rin. Ikaw na susunod kong papatayin, hayop ka. Sana sa susunod, lagyan na ni Mark Zuckerberg ng bagong option yung Facebook: Kill Friend.

Kapag na-kill mo na yung friend mo, magfe-fade to black yung account n’ya, tapos may tutugtog na Gregorian Chant sa background. Kapag kalahati ng friends mo e kinill ka, forever ka nang blocked sa Facebook. Or, mas masaya, ipapadala na ni Mayor yung DDS para ipatumba ka. Ay, hindi na pala DDS. FDS na ang bago n’yang pangalan.

Go figure.

Hanggat di pa naiimbento ang kill friend button sa Facebook, makukuntento na muna ako sa pag-a-unfriend. Kaya kung isa ka sa mga spoiler scumbag na kilala ko, unahan mo na ‘ko. I-block o i-unfriend mo na ‘ko para hindi na tayo magkahiyaan pa. Awkward kaya, parang mukha mo.