In search of a trial by combat

by Sankage Steno

Hinahamon ko ng suntukan, wrestling, sparring, away/gulo o kahit ano pa mang sakitan ng katawan ang kahit na sinong tumatawag sa ‘kin ng ‘bakla,’ ‘paminta,’ bading,’ at iba pang gay names para insultuhin ako. Bibigyan kita ng chance na makaganti sa lahat ng baklang sumalbahe sa iyo (kung meron man) sa pagbuhos ng galit sa akin.

Papawis lang tayo saglit.

Parang Fight Club ang gagawin nating suntukan, pero may twist. Haluan natin ng Game of Thrones. Bale hindi lang s’ya suntukan for suntukan’s sake. Dapat may mapupulot naman tayo kahit papa’no. Kaya ang naisip ko, kung sino man ang magwawagi sa labanan natin, yung paniniwala n’ya ang magiging tama.

Kung naniniwala kang salot ang mga bakla sa lipunan, na mahihina sila at wala silang karapatan, talunin mo ‘ko para maging tama ka. At kapag napatumba mo nga ako, bibigyan pa kita ng bonus. Nope, hindi kita chuchupain o titirahin sa puwet. Asa ka pa. Magvo-volunteer akong magpabitay kay Mayor kapag naisabatas na muli ang death penalty sa bansa.

“Bitayin ang mga bakla! Mga salot sa lipunan!” – Ikaw

Pero kapag natalo kita at napatumba sa laban, tapos ang usapan. Ako ang tama. Ituturing mong ka-equal mo ang mga bakla, na hindi sila mahihina, hindi salot sa lipunan at may mga karapatan tulad ng tinatamasa mo ngayon. Nope, hindi kita chuchupain o titirahin sa puwet. Hindi rin kita ipapabitay kay Mayor. Wala nang iba pang bonus. Basta tama lang ako at mali ka. Ganern.

“Love wins! Equal rights for the LGBTQRSTUVWXYZ community!” – Ako

Pa’no naman ang mechanics ng labanan natin?

Mano y mano lang. Walang hawak na armas. Ang una kong naisip, isang round lang, pero walang time limit. Hanggat walang bumabagsak o sumusuko, hindi ititigil ang laban. Parang suntukan lang ‘to sa kalye, pero bawal ang magpatayan. Basagan lang talaga ng mukha, ganyan.

Ang isa ko pang naisip e pang-isahang round lang din. Ang kaibahan, tig-isang move lang tayo. Finisher move. Bato-bato pick tayo kung sino ang unang aatake. Dapat, sa isang pag-atake na ‘yun e mapatumba mo na ako o mapatumba na kita.

Halimbawa, sinuntok mo ‘ko sa mukha, tapos bumagsak ako. Panalo ka na. ‘Pag di ako bumagsak, turn ko naman. Sisipain kita sa bayag, tapos ‘pag di kita napatumba, talo pa rin ako. May advantage dito yung mauunang tumira. Basta ang mahalaga, tig-isang atake lang.

Ano, game? Away na ‘to. Alin ang gusto mong laban, yung suntukang-kalye o tig-isang finisher move? Take your pick. Partida, malabo mata ko at hindi ako mahilig makipag-away sa kalye. Sa Facebook at WordPress lang ako madalas makipag-away. Now’s your chance to prove you’re right and I’m wrong.

Just PM/DM/email me. Thanks.