Pasabugin ang puntod ni Marcos

by Sankage Steno

Huwag po nating hayaang masunod ang kagustuhan ni Mayor President na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani si Ferdinand Marcos. Pumayag lang tayo sa kagustuhang ito ni Duterte kung kasamang ililibing nang buhay yung iba pang mga miyembro ng Marcos family. Jk.

Isauli muna nila yung mga ninakaw nila sa bayan bago sila ilibing nang buhay.

Nasabi ko na noong Sept. 2014 pa yung mga dahilan ko kung bakit hindi dapat ilibing si Marcos sa sagradong lugar na ‘yon. Pakibasa na lang ulit dito kung gusto mo. Kahit si Joma Sison na hindi ko idol e somewhat sumang-ayon sa akin sa puntong ito. O, basa ka ulit.

Sabi n’ya, kung ayaw daw ng mga Marcos na pasabugin yung magiging puntod ni Ferdinand sa Libingan ng mga Bayani, tulad ng ginawa ng mga rebelde sa concrete bust nito sa Benguet, dun na lang nila ilagak yung kanyang bangkay sa Batac, Ilocos Norte. Magpagawa na lang sila ng musoleo roon. I agree. Sabi ko nga sa 2014 post ko, malalayo pa s’ya sa mga fans n’yang Ilokano. Dun na lang sila sa Marcos Country.

Ngayon, kung hindi nagjo-joke si Mayor President at tototohanin n’ya yung paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, maghanda na s’yang kalabanin yung milyun-milyong Pilipinong hindi sang-ayon sa kagustuhan n’ya.

Hindi isyu rito ang pagiging pangulo o sundalo dati ni Marcos. Isyu rito yung mensaheng iiwan natin sa mga Pilipino kapag naituring s’yang “bayani.” Isa itong malaking paglapastangan sa mga biktima n’ya. Hindi pa nga nila nakakamit ang hustisya, panibagong bangungot na naman itong sasambulat sa kanila.

Isa pa, maaari rin itong maging mitsa para magtulung-tulong ang mahigit 60 percent na hindi bumoto kay Duterte para patalsikin s’ya sa pwesto. Syempre, ayokong mangyari ito. Malaking problema kung saka-sakali, pero mas malaking problema kung magiging “bayani” si Marcos.

Anong mensahe na lang ang iiwan natin sa susunod na henerasyon at sa mga nabubuhay ngayon na hindi lubos na nauunawaan ang nangyari noong martial law years?

Pero kahit anong satsat pa ang gawin ko rito, si Mayor pa rin ang masusunod. Or maybe not. Mga kapwa ko Pilipinong ayaw mahimlay si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, maghanda po tayo. Kung hindi madadaan sa pakiusap at paliwanag si Duterte, alam na po natin ang susunod na dapat gawin.

http://mw2.google.com/mw-panoramio/photos/medium/22882397.jpg

Advertisements