Sana malahian ka ng Pilipino

by Sankage Steno

Sa halip na namamangha ka sa kagwapuhan ni #CarrotMan Jeyrick Sigmaton at sa kagandahan ni #BadjaoGirl Rita Gabiola, bakit di mo kaya subukang maglibot sa bansa para malaman at makita mo kung ga’no kaganda/gwapo ang ating lahi?

Hindi naman kita masisisi kung lumaki ka sa kapatagan o sa lungsod at ang ideya mo lang ng maganda/gwapo e yung maputi, mestizo/mestiza o may dugong banyaga. Naiintindihan ko ‘yon. Pero naman.

Mas mura na ang airfare ngayon at marami na ring tour package na mas sulit ‘pag maramihan kayo. Siguro naman di na masamang mag-ipon nang kaunti para makita mo yung iba’t ibang kababayan natin na saksakan ng ganda/gwapo. I swear, di mo pagsisisihan. Sayang e. Napaka-diverse ng ating lahi. Ang sarap magpalahi tuloy.

Charot.

Noong nag-aaral ako sa UP, kumuha ako ng ilang kurso sa Anthropology at pinakapaborito ko yung subject na “Peoples of the Philippines.” Doon ko natutunan na iba ang Ifugao sa Kalinga, na hindi lang Igorot ang tao sa Cordillera, ang tungkol sa mga Bajau, Jama Mapun, Sama Dilaut at iba pang mga lumad.

Pero ang pinakamahalagang natutunan ko e yung salitang “ethnocentrism.” Na ang kahulugan ay:

[E]valuation of other cultures according to preconceptions originating in the standards and customs of one’s own culture

Sa Filipino, ito ay ang panghuhusga o pagtingin mo sa ibang kultura o tao gamit ang kinalakihan mong pamantayan o gamit ang sarili mong panukat na base sa kulturang kinagisnan mo.

Gaya ng ginagawa natin kina Carrot Man at Badjao Girl. Ang tingin natin sa kanila e gwapo at maganda, di ba? Pero ang sinasabi mo talaga ay eto:

May itsura rin pala yung mga Igorot at Badjao. Akala ko kasi pangit yung mga tagabundok at yung mga nanlilimos sa kalye.

Hinusgahan mo na agad yung pagkatao nila gamit yung “preconceptions” mo na nagmula sa sarili mong “standards and customs” ng iyong kinalakhang kultura. In other words, you’re ethnocentric.

Pero, siguro, ganun din naman yung mga katutubo kapag nakakakita sila ng tagapatag o tagalungsod. Baka isipin nila na mayayabang tayo o laki sa layaw o mapangmata sa mga katutubo o mahilig mangutya, atbp. Ethnocentrism works both ways, so maaaring pare-pareho lang tayong ethnocentric at “bias.”

Kaya nga inuudyok ko kayong maglibot sa bansa. Alam kong hindi lahat nakakapasok sa UP at nakakapag-aral ng Anthropology, pero hindi lang naman sa apat na sulok ng silid-aralan nakukuha ang karunungan, di ba? Kung maglilibot ka sa bansa at susubukan mag-obserba nang konti, kumausap ng ibang tao nang konti, may matututunan ka na.

Oo, I’m preaching, kasi andaming Pilipinong hindi kilala ang kapwa Pilipino. Masyado tayong regionalistic, naka-focus lang sa “tribo” o “lalawigan” natin: Kapampangan ako. Ilokano ako. Dabawenyo ako. Manilenyo ako. Bisaya ako. Bulakenyo ako. Ivatan ako. Waray ako. Ilonggo ako. Tagbanua ako. Talaandig ako. T’boli ako.

Fine, given na’yan. Pero sana matutunan din nating sabihin na “Pilipino ako.”