Kailangan ko ng takot sa buhay

by Sankage Steno

Sa dami ng nakakatakot kong post dito sa blog, di ko alam kung nakwento ko na yung tungkol sa Noppera-bō. Anyway, kwento ko na lang ulit nang mabilisan. Ganito ang nangyari:

Lumuwas ako nang madaling-araw, Lunes, at pagdating ko sa apartment, natulog pa muna ako. Pagkalipas ng ilang minuto, naalimpungatan ako. Itinaas ko yung ulo ko at natanaw sa may paanan ko yung isang batang babae na nakaluhod at walang mukha, si Noppera-bō.

Nagtitigan lang kaming dalawa (kahit wala s’yang mga mata). Hindi naman ako natatakot nung mga sandaling ‘yon. Pero nung bigla s’yang dumukwang at “lumipad” papunta sa harap ng mukha ko, du’n na ‘ko sumigaw. The end.

Context: Dalawang taon bago magpakita sa ‘kin si Noppera-bō, nakita na rin s’ya ng roomie ko sa eksaktong lugar kung sa’n ko s’ya nakita. Ganun din ang sitwasyon: kakagising lang n’ya, pupungas-pungas pa at nakita na lang n’yang nakatitig din sa kanya yung batang babaeng walang mukha.

Walang pang isang linggo matapos kong maranasan si Noppera-bō, may isa na namang nakakakilabot na nangyari. Umabsent ako nu’n sa trabaho dahil trip ko lang. Pumunta ako sa City of Dreams kasama ng housemate kong babae para subukan yung bagong bukas na theme park doon. Mga ilang oras lang kami roon at nagpasya na ring umuwi.

Sumakay kami ng taxi para bumalik na sa apartment. Yung kaibigan kong babae e dun naupo sa passenger seat at ako naman mag-isa sa likod. Ayun, nakauwi naman kami nang ligtas. Du’n kami nagpababa along EDSA, sa may Jollibee Boni dahil di pa kami nanananghalian. Nang bababa na kami ng taxi, biglang nagtanong si Kuya Driver, “Nasa’n yung kasama n’yo?”

Nagkatinginan kami ng kaibigan ko. “Sino pong kasama?” sabi ko.

“Yung isa pang babae na kasama n’yo,” sagot ng driver. “Yung katabi ni sir (ako) sa likod. Di ba dalawa kayong sumakay sa likod? [Nag]tataka nga ako ba’t ang tahimik n’yo.”

“Kuya, kaming dalawa lang yung sumakay. Wala akong katabi sa likod.”

Tumahimik na lang kaming lahat at naghiwalay. The end.

Bukod sa dalawang kwentong ‘yan na nangyari last year, pinakamatindi yung sinulat kong Deus ex machina. Pakibasa na lang kung di mo pa nabasa noong isang taon. Bago pa ‘yan, may isa pa ‘kong nakakatakot na karanasan. Sinulat ko rin s’ya at pinamagatang Walpurgisnacht.

Maliban sa mga ‘yan, wala na ulit akong paranormal experience. At hindi ako natutuwa. Nag-aalala ako kasi baka tuluyan nang nagsara yung third eye ko. Hindi ko naman alam kung pa’no s’ya gamitin actively o kung pa’no s’ya “bubuksan” ulit. May alam ka ba? Patulong naman. Nami-miss ko na kasi yung mga kaibigan ko sa ibang dimensyon.

Pero kung di mo ‘ko matutulungan, takutin mo na lang ako. Masyado na kasi akong tumatapang. Kailangan kong matakot ulit. May alam ka bang kwentong nakakatakot? Share mo naman sa comment section. ‘Pag may nagustuhan ako, ililibre ko ng ticket para sa The Conjuring 2. Maraming salamat!