May katabi na ‘ko sa kama

by Sankage Steno

Mukhang babalik na ulit sa pagiging active yung sixth sense ko. Muntik-muntikanan na naman kasi ako kaninang madaling-araw. Sayang at nagising ako. Potek.

Nanaginip ako nang medyo kakaiba. (Di tulad noong college na nakidlatan ako o nasaksak ng espada o pinagbabaril, ganyan, kaya may konting ideya na ‘ko kung pa’no mamatay.) Ang siste, may girlfriend daw ako o asawa (susmaryosep) at katabi ko s’yang natutulog sa kama.

Hindi naman kami nag-sex (thank god, kahit atheist ako).

Pero out of the blue, merong kung anong sinabi yung katabi kong babae or merong biglang pumasok sa ‘kin at bigla ko na lang dinampot yung kutsilyo sa gilid ng kama (At sinong tanga ang nag-iiwan ng kutsilyo sa gilid ng kama? Oh well, dreams.) at pinagsasaksak sa tiyan yung girlfriend/asawa ko.

Buntis nga pala ‘sya, so pinatay ko rin yung “anak” ko.

Hindi pa ‘ko nakuntento sa sunud-sunod na saksak sa babae. Nang makita kong humihinga pa s’ya, dinakma ko yung leeg n’ya at dahan-dahang piniga ‘yon hanggang sa tuluyan na s’yang malagutan ng hininga. Ayun, pinatay ko yung girlfriend/asawa ko.

The end.

Nagising ako at natuwa na panaginip lang pala ‘yon. Ayoko kasing pumatay o makapatay ng tao. Feeling ko hindi kakayanin ng konsensya ko ‘yon. Anyway, dahil panaginip nga lang s’ya, bumalik ulit ako sa pagtulog. Nanaginip na naman ako.

Sa sumunod kong panaginip, naulit yung kanina. Katabi ko ulit yung buntis kong girlfriend/asawa, tapos pinagsasaksak  at sinakal ko ulit s’ya. Pero hindi agad natapos yung panaginip ko this time. Hindi ako nagising agad.

Di ko na maalala yung ilang pangyayari pagkatapos kong patayin yung babae, pero bigla na lang bumalik yung eksena sa kama. Nakahiga akong mag-isa, nakatitig lang sa kisame at naghihintay na dalawin ng antok. Maya-maya, may anino ng babaeng pumatong sa ‘kin. Hindi naman kami nag-sex (thank god, kahit atheist ako). Sinakal n’ya lang ako.

Damang-dama ko talagang nauubusan ako ng hininga habang nagpupumiglas sa kanya. Hindi ko alam kung pa’no ko nagawa pero nagising ako bigla. Pagdilat ko, hindi pa rin ako makahinga nang maayos. Ramdam ko pang parang may nakahawak sa leeg ko, pero ilang saglit lang, lumuwag na ulit yung paghinga ko. Dun ko nalaman na panaginip lang pala s’ya ulit.

Sleep paralysis siguro.

Malakas ang kutob kong pagkapanood ko ng The Conjuring 2 e lalakas na ulit yung “powers” ko. Kailangan ko ng “inspiration” para tumalas ulit yung pandama ko. Sana lang, ‘pag tuluyan nang bumalik yung third eye ko, hindi ako mapatay ng mga kampon ng kadiliman.