Gusto mong maputukan ng baril ko?

by Sankage Steno

Noong napanood ko yung lumang X-Men movie circa 2000, sobrang naka-relate ako sa ginawa ni Rogue sa ending ng film. May naimbento kasing gamot na pwedeng magtanggal ng mutant powers mo. Ayun, inavail ni Gurl at naging “normal” na s’ya.

Para sa mga hindi maka-relate, ang power kasi ni Rogue e nanggagaya ng powers ng ibang mutant, pero para magawa n’ya ‘yon, kailangan n’yang hawakan at higupin ‘yung life force ng mutant na gusto n’yang gayahin. Therefore, pwedeng masaktan o mamatay yung kahit na sinong hahawakan n’ya.

E di ba jowa n’ya si Iceman? Ayun, di sila makapag-sex o makapag-kiss man lang nang hindi nasasaktan o unti-unting namamatay si Boyfie. Kaya nag-decide na s’yang i-give up yung powers n’ya.

O, sa’n naman ako naka-relate dun? Eto, wait, uhm, ahahaha! Charot. Dati kasi (at hanggang ngayon, paminsan-minsan), gusto kong alisin yung kabaklaan sa genes ko. So sabi ko sa sarili ko noon, kukuha ako ng kursong genetics sa UP para maimbestigahan ko yung gay gene at makaimbento ng gamot para matanggal s’ya.

Sabi ko rin sa sarili ko noon, kung may maimbento ngang gamot o procedure na makapagtatanggal ng kabaklaan sa katawan ko at magagawang “normal” ako, iaavail ko kaagad kahit pa ikaubos ng yaman ko. Imagine, magiging straight na ‘ko. Magkakaroon na ‘ko ng girlfriend, ikakasal sa simbahan at magkakaroon ng anak.

Matutupad na yung pangarap kong magkaroon ng Bear Brand family.

E kaso wala, di ko kinuha yung genetics sa kolehiyo, at wala pa ring nakakaimbento ng anti-gay gene drug. Wala pa nga rin yatang nakakadiskubre nung gay gene sa DNA natin. Ewan. So, ayun, epic fail.

Ang hirap kasing maging bakla minsan. Nakakaubos kasi ng pasensya yung mga nababasa kong balita na pinapatay o inaalipusta yung mga bakla at iba pang member ng LGBT community. Tapos andami pang taong galit sa amin. Wala naman kaming ginagawang masama sa kanila. Mga timang lang. Ang sarap pagkukutusan.

Pero maswerte pa rin naman ako kahit papa’no dahil di pinapatawan ng parusang kamatayan ang mga bakla rito sa Pinas. Merong mga sinasaktan o pinapatay minsan, pero mga isolated cases pa lang so far. Sana ‘wag nang lumala. Pakiramdam ko naman e unti-unti nang natatanggap kami rito sa bansa. Hopeful akong maaabutan ko in this lifetime ang same-sex marriage sa Pinas.

But if worse comes to worse, may plano na ‘ko. Mag-aaral na ‘kong gumamit ng baril, at pag-iipunan ko na rin s’ya para magkaroon ako ng sarili kong armas. That way, kung meron mang homophobe na magtangkang manakit o pumatay sa ‘kin/’min, at least may chance akong mabuhay o makaganti man lang bago mamatay.