Nagbago ka na ba?

by Sankage Steno

Dahil pangulo na natin si Duterte, inaasahan kong disiplinado na tayong mga Pilipino. Saka na ‘yang pag-eradicate sa krimen at droga. Sa Jan. 1, 2017 ko na s’ya pupunahin. Dun muna ako sa personal na pagbabago na gustong mangyari ng 16 milyong Pilipinong bumoto sa kanya.

Aasahan kong mababawasan na yung mga taong tumatawid sa kung saan-saan sa kalsada at yung mga naninigarilyo sa mga lugar kung saan ipinagbabawal ang pagyoyosi. Dapat ay wala na rin akong makitang dumadahak at dumudura sa mga sidewalk, riles ng tren at suluk-sulok ng mga daan.

Yung mga motorista d’yan, dapat mag-stay na lang din sa isang lane at hindi yung papalit-palit kahit solid line yung nakaguhit sa kalsada. Hindi na rin dapat sumingit yung mga nakamotorsiklo sa mga espasyong kasya sila kahit alam naman nilang bawal ‘yon at delikado. Yung mga tsuper ng pampublikong sasakyan, dapat sa tamang babaan at sakayan na rin kayo humihinto.

Sa madaling salita, dapat makita kong sumunusod na ang lahat sa batas-trapiko hindi lang dito sa Kalakhang Maynila ngunit pati na rin sa ibang panig ng bansa.

Para naman sa mga nagtatrabaho sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, dapat bumilis na rin yung paglilingkod n’yo at hindi yung puro Candy Crush o pabebe yung ginagawa n’yo kapag oras ng trabaho. Dapat ISO level na ang pagtatrabaho at serbisyong ibinibigay ninyo dahil yun ang pagbabagong hinahangad ng marami.

Ayoko na ring makakita ng mga taong hindi nakapila o nagka-cut ng linya para makauna. Bawal na ring magtulakan sa MRT, at dapat hintayin munang makalabas yung mga pasahero bago sumakay nang mahinahon at naaayon sa pila.

Ayoko ring makakita ng mga taong nagtatapon ng basura sa kung saan-saan, lalo na yung mga nakasakay sa sasakyan tapos itatapon yung ticket o balat ng candy o pinagkainan sa labas ng bintana o dun sa mga sulok o ilalim ng upuan. Dapat ibulsa n’yo na ‘yan at itapon sa basurahan.

Umaasa akong mabilis kayong magbabago dahil natupad na ang gusto n’yong maluklok sa pwesto si Mayor. Gusto n’yo kasing may tatay na papalo sa inyo o mananakot bago kayo sumunod. Gusto n’yo kasi may tatay na didisiplina sa inyo bago kayo maging “disiplinado.” E di tignan natin kung may magbabago at madidisiplina nga.

Patunayan n’yong nagkamali ako sa hindi ko paniniwala at pagboto kay Digong. This is your chance na makaganti sa akin at ipahiya ako.