Abogago

by Sankage Steno

Para sa isang abogado, medyo may kabobohan itong si Duterte. Isapubliko raw ba yung pangalan ng mga heneral sa PNP na protector diumano ng mga drug lord nang hindi nagbibigay ng ebidensya. Ekis!

Isa itong malinaw na halimbawa ng trial by publicity o trial by [social] media.

Kung natuwa ka sa ginawa ni Duterte kahapon, baka dapat mo na ring ipa-check ‘yang utak mo. Hindi ako abogado pero alam kong dapat pairalin ang due process at rule of law sa mga ganyang akusasyon. Dapat munang magpakita ka ng ebidensyang magpapatunay na may kinalaman nga yung isang tao sa isang krimen bago mo ibalita sa madla.

Actually, dapat nga mapatunayan muna sa korte bago mo isiwalat, ideally. Pero itong si Duterte, wala, siniraan n’ya agad ‘tong mga pulis na ‘to nang hindi man lang nagbibigay ni isang pirasong ebidensya.

Pa’no nakapasa ng Bar ‘tong lalaking ‘to? Ibalik sa law school!

Sabi ng kanyang communications secretary na si Martin Andanar, hindi raw muna dapat ilabas yung mga ebidensyang hawak ng Malakanyang dahil baka raw ma-“prejudice” yung imbestigasyon at kaso sa mga taong sangkot. Sabi pa n’ya,

A premature release of evidence through the media may also violate the constitutional right to due process of those involved.

Isa pang kulang-kulang ‘to. Yung premature announcement pa lang ni Duterte kahapon, na-violate na yung constitutional right to due process ng mga heneral na pinagbibintangan n’ya. Kahapon pa lang, pinalabas na n’yang guilty yung mga taong ‘to, tapos ngayon sasabihin nila yung kabalintunaang ‘to?

E pa’no kung lumabas na hindi pala guilty yung lima o kahit yung isa lang sa kanila, pa’no na yung reputasyon nila? Gagalangin pa ba sila ng kapwa nila pulis? Yung mga fans ni Duterte, maniniwala pa ba sa kredibilidad ng mga heneral na ‘to? At pa’no na yung trabaho nila kung ganyang mismong boss nila e pinaratangan na sila?

Hindi ko alam kung sino ang mas tanga, si Duterte o yung mga adviser n’ya. Wala bang nagsabi sa kanyang mali yung pagpaparatang nang walang inilalabas na ebidensya? Ito ba ang Duterte brand of justice? Babalewalain na n’ya ang co-equal branch n’ya? Ang Judiciary?

O baka naman prelude lang ‘to para malagay n’ya sa PNP yung mga bata n’ya? Parang yung ginawa ni Marcos noon bago ideklara ang Martial Law. Puro mga Ilokanong sundalo ang inilagay n’ya sa matataas na pwesto ng militar at kapulisan para makontrol ito at maisakatuparan yung balak n’ya.

Nasayang yung pag-asa ko nung sinabi n’yang maglalabas s’ya ng EO para sa Freedom of Information (O baka pati ‘yon drawing lang?). Kailangan talagang bantayan nang maigi ‘tong unang abogadong pangulo natin since Marcos. Alam na alam n’ya kung pa’no ilagay sa kamay ang batas.