Pokémong basa

by Sankage Steno

Habang naliligo ako sa ulan kanina papuntang opisina, ang dami kong nakitang pokémong basa sa kalsada, sa estero at sa bangketa. Pramis, basang-basa talaga! Puro water-type sila.

Dun sa may tulay ng Guadalupe, malapit sa Sogo, ang daming Squirtle! Grabe, lima yata yung na-spot-an ko. At ang matindi pa, ang lalakas nilang mag-squirt! Muntik na nga akong tamaan sa mukha e. Buti nakailag ako. They really live up to their name.

Pagdating ko naman sa may Estrella, dun malapit sa headquarters ng MMDA, nakakita ako ng dalawang Poliwag na kinakausap ng traffic enforcers. Nahuli yatang bumaba sa hindi babaan. Sabi nung isang Poliwag, “Wag po-li! Wag!” Pero, ayun, natiketan pa rin silang dalawa. Di kasi sumusunod sa batas-trapiko.

Pagliko ko naman sa Rockwell, dun malapit sa Power Plant Mall, may nakita akong Staryu at Starmie. Nagbobolahan yung dalawang hoity toity na pokémon, palibhasa parehong insecure sa sarili. E kay yaman-yaman naman. Anlalaki kaya ng alahas nila sa dibdib! Sabi ni Staryu sa kasama, “Star yu?” Sagot naman yung isa, proud na proud, “Star me!”

Facepalm.

Pagdating ko sa Kalayaan Avenue, may bumulaga sa ‘king Totodile. Hangkyut! Kaso mukang takot sa ‘kin. Siguro galing ‘to dun sa isa sa mga inuman dun. Baka nakatakas sa kulungan. Ayaw yatang maihaw at gawing pulutan. Gudlak na lang sa mga kapwa n’yang totodile at evolved types na Croconaw at Feraligatr na nasa Palawan. For sure matagal na silang nakain.

Eto matinde. Habang naglalakad ako sa may P. Burgos, aba, panay ang kindat at offer sa ‘kin ng mga Goldeen. Jusme, ang kakapal ng make-up sa mukha. Foundation Day ba araw-araw? E ang lalansa naman. Magkano kaya bentahan nila ng laman? Por kilo kaya o per oras? Kalurkey! Kumaripas na ‘ko ng takbo bago pa ‘ko lapitan ng mamasan nilang Seaking.

Nung nasa may Makati Avenue na ‘ko, paglagpas ko sa may estero, may nakasalubong akong Krabby. Lahat ng nauuna sa kanyang maglakad, inuunahan n’ya, at ‘pag meron namang mas mabilis sa kanya, sinisipit n’ya at hinihila pabalik para s’ya yung mauna. Grabeng crab mentality. Pagkarating n’ya sa may Pacific Star building, naging Kingler na s’ya.

Finally, nang makarating na ‘ko sa office building, may nakita akong tatlong Psyduck, mataba, mapayat, mga bibe. Ngunit ang may pakpak sa likod ay iisa. Siya ang lider na nagsabi ng, “Kwak! Kwak!”

Ayun, na-hypnotize na ‘ko sa ginawa nila. Nakisayaw na rin ako. Muntik pa ‘kong ma-late. Buti na lang binato ako ng gwardya ng Magikarp sa ulo, kundi baka hanggang ngayon nagsasayaw pa rin ako kasama ng tatlong Psyduck. Dyahe.

Advertisements