“Pusher ako”

by Sankage Steno

Kapag gusto kong pumatay o manakit ng ibang tao, naglalaro ako ng Final FantasyTekken. Hindi ako dumudukot ng baril at pumupunta sa kanto para mamaril ng tambay, balutin ng “packing” tape at lagyan ng karatulang nagsasabing, “Pusher ako.”

Kung isa ka sa mga edukado at Jesus-Jesus Christian na natutuwa sa sunud-sunod na pagpatay sa mga PINAGHIHINALAANG tulak ng ilegal na droga, nakakahiya ka. Ipinapaalam ko sa iyong isa ako sa kalaban ng iyong madugong paniniwala.

Sa kabila ng “spectacle” na ‘to ng mga pagpatay sa mga mahihirap na Pilipino (may big fish na bang napatay?), hindi ko maiwasang isiping palabas lang ‘to at may mas malaking planong inihahanda ang kasalukuyang administrasyon.

Sabi nga ni Randy David sa column n’ya ngayong araw:

There is an ominous passage in Guy Debord’s 1967 treatise “The Society of the Spectacle” that seems to sum up that condition: “The spectacle is the guardian of sleep.” We should be vigilant.

Indeed, we must be vigilant. Dahil mahigit 40 taon na ang nakalilipas, may isang abogadong pangulo ang mahusay na nagplanong isakamay ang kapangyarihan sa loob ng mahabang panahon. Binubuo ng pitong bahagi ang kanyang plano:

1. Exploit and abet lawlessness and instability.

Ginamit ng abogadong pangulo noon ang pagbabanta ng mga komunista at ang mga demonstrasyon ng mga aktibista para palabasing laganap ang kaguluhan sa bansa at nanganganib ang gobyerno.

Ngayon naman, ginamit ng abogadong pangulo natin sa kanyang kampanya ang pagsugpo sa krimen at droga sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan para mapasakamay ang pinakamataas ng posisyon sa gobyerno.

Ito rin ang ginagamit na batayan ng PNP para walang habas na pagpapatayin ang mga mahihirap at maliliit na suspek ng ilegal na droga (na maaaring magturo sa mga kasabwat na pulis o magsumbong ng mga mas malalaking tao sa likod ng ilegal na gawaing ito).

2. Undermine the Philippine public’s faith in democracy.

Bago ideklara ng abogadong pangulo ang batas militar noon, pinalabas n’yang hindi gumagana ang demokrasya at ang mga institusyon nito para mapanatili ang kapayapaan at matigil ang korapsyon sa bansa.

Parang ganito rin ang ginagawa ng abogadong pangulo natin ngayon. Pinapalabas n’yang hindi mabisa ang demokrasya at kailangan ng kamay na bakal para makamit ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Sinasabi rin n’yang masyadong nakasentro ang kapangyarihan sa “Imperial Manila” at kailangang ilipat ito sa mga lalawigan sa pamamagitan ng Federalismo.

3. Control the military and police.

Itinalaga ng abogadong pangulo noon ang mga kababayan n’yang Ilokano sa mahahalagang posisyon sa militar at kapulisan para makontrol ito. Mahigit kalahati rin ng sandatahang lakas ng bansa noon e binubuo ng mga Ilokano.

Ang ginagawa naman ng abogadong pangulo natin ngayon ay nagtalaga s’ya ng kaibigan at pulis-Davao bilang pinuno ng PNP. Hindi na rin ako magugulat kung pupunuin n’ya ng mga taga-Davao o Mindanao ang mga militar at kapulisan natin ngayon para mapasunod ito sa mga kagustuhan n’ya.

4. Control the Supreme Court.

Bilang abogado, alam ng pangulong nagdeklara ng batas militar ang kahalagahan ng batas para sa mga hakbangin n’ya, kaya halos lahat ng ginawa n’ya ay nakabatay (o pinagmukhang nakabatay) sa mga umiiral na batas. Ginamit n’ya ang Korte Suprema para palabasing legal ang lahat ng kanyang ginagawa.

Para naman sa abogadong pangulo natin ngayon, siya lang naman ang nakatakdang pumili ng 12 sa 15 hukom ng Korte Suprema. Ganito kalaki ang magiging impluwensya n’ya sa co-equal branch n’ya. Labindalawang hukom ang maaaring tumanaw ng utang na loob sa kanya.

P.S.
Sa susunod kong blog, sasabihin ko ang tatlong natitira pang hakbang ng dating abogadong pangulo para tuluyang mapasakamay ang kapangyarihan at mamuno nang mahigit dalawang dekada sa bansa.

SourceMarcos Martial Law: Never Again by Raissa Robles