“Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan”

by Sankage Steno

Slogan ‘yan ni Marcos na laman ng kanyang speech na pinamagatang “No Shade But Light.” Hindi si Duterte ang nagpauso n’yan. Lumang tugtugin na ‘yan. Akala naman ng maraming tagasuporta ni Digong ngayon lang ginamit sa pulitika ang disiplina-disiplina na ‘yan.

Aral-aral din kasi ng Kasaysayan ‘pag may time.

Sa huli kong blog, sinabi ko yung apat sa pitong hakbang na ginawa ng dating abogadong pangulo upang maisakatuparan ang batas militar at mapahaba ang kanyang panunungkulan bilang presidente. Ngayon ay ibabahagi ko ang natitira pang tatlo, kasama ng paghahalintulad ko sa kasalukuyang ginagawa ng abogadong pangulo natin.

5. Hijack the Constitutional Convention.

Sa pagbabago ng 1935 Constitution, sinuhulan ng dating abogadong pangulo ang mga delegado ng Con-Con para palitan ang sistema natin mula presidential patungong parliamentary form of government. Sa huli, maaaring tumakbo muli si Marcos bilang pangulo.

Sa kasalukuyan, balak ng ating abogadong pangulo na palitan ang umiiral na sistema ng gobyerno at gawing Federal system. Para magawa ito, maaari ring bumuo ng Con-Con. Wala pa namang suhulang nangyayari, pero mabuti nang malaman ninyo ang nangyari noon upang hindi na maulit. Nakakatakot dahil maaaring mapahaba ang termino ng mga nanunungkulan kung sakali.

6. Get American backing.

Kinailangan ng abogadong pangulo noon ang tulong ng US para magawa ang planong batas militar, at siniguro ng dating US ambassador Byroade na susuportahan ng Amerika ang Martial Law ni Marcos.

Sa katunayan, US ang nagbigay ng kagamitan sa militar at pulis na ginamit ng rehimeng Marcos para hulihin, pahirapan at/o patayin ang mga “kalaban” ng pamahalaan.

Malinaw naman sa ngayon na ayaw ng ating abogadong pangulo ang pangingialam ng US sa ating gobyerno, kaya madaling isiping hindi n’ya magagawang umabuso ng kapangyarihan. Sa aking palagay ay hindi kailangan ni Digong ang suporta ng Amerika. Bakit?

Dahil ang Tsina ang nililigawan n’ya ngayon. Malinaw naman noong kampanya pa lang na mas gusto ng ating abogadong pangulong himurin ang puwet ng mga Tsino kaysa kumampi sa mga Kano. Bilang bagong economic power, malaki ang maitutulong ng Tsina sa bansa kapag naging sunud-sunuran ang pangulo sa kanya.

Gaya noon, pwedeng magbigay ng pautang ang Tsina para sa mga infrastructure project ng ating pamahalaan o mag-supply ng armas gaya ng ginawa nila noong sa batang Communist Party of the Philippines.

7. Exaggerate the Communist threat.

Isa sa mga katangahan ni Joma Sison at ng mga komunista noon ay hinayaan nilang magamit sila ng dating abogadong pangulo. Ginamit ni Marcos ang panggugulo ng mga armadong komunista sa lungsod at sa mga liblib na lugar para sabihing laganap ang kaguluhan sa bansa at nanganganib na mapatumba ang gobyerno.

Dahil dito, kailangan daw ni Marcos ng dagdag na kapangyarihan, at magagawa n’ya lang ‘yon kapag nagdeklara s’ya ng Martial Law.

Hindi naman ganito ang nakikita kong istilo ng kasalukuyang abogadong pangulo. Kabaligtaran pa nga. Kinakaibigan n’ya ang mga komunista at iniluklok sa kanyang gabinete ang ilang miyembro ng Left para magkaroon ng kapayapaan sa bansa at matigil na ang panggugulo ng mga rebeldeng grupo.

Ngunit ang isa pang nakikita kong dahilan kung bakit kinakaibigan ni Digong ang mga Komunista ay upang mapayapa ang mga kabundukan sa probinsya at makapagmina nang walang sagabal ang mga mining companies, na ang ilan ay nagpondo sa kanyang kampanya.

Ano ngayon ang gusto kong sabihin sa lahat nang ito?

Madaling isiping baka natatakot akong magkaroon muli ng batas militar sa panunungkulan ni Duterte. Tama ka naman. Hindi malayong mangyari ‘yon kung tumpak ang lahat ng pinagsasasabi ko rito. Pero hindi ito ang pinakaikinatatakot ko. Kumpara sa maaaring mangyari sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Digong, mas natatakot ako sa nangyayari na sa kasalukuyan.

Bakit?

Dahil kahit wala pang Martial Law ngayon, kabi-kabila na ang pagpatay sa mga “kalaban” ng gobyerno tulad ng mga PINAGHIHINALAANG tulak at gumagamit ng droga. Kahit di pa sila napapatunayang nagkasala, pinapatay na agad ng mga pulis. Ang pinakamasaklap pa rito, suportado ng maraming Pilipino ang ganitong “polisiya” ng bagong administrasyon.

Kung kinalaban ng maraming Pilipino noon ang pang-aabuso ni Marcos sa kapangyarihan, ngayon naman ay parang suportado pa natin ang extra-judicial killings ng pangulo. The new normal, ‘ika nga. Nakakatakot.

Nagsisimula pa lang tayo. Marami pang mapapatay. Sana hindi ka madamay o ang mga mahal mo sa buhay. Mukha ka pa namang adik minsan.

Source: Marcos Martial Law: Never Again by Raissa Robles