Terminus

by Sankage Steno

Siguro hindi ka pa namamatayan ng mahal sa buhay kaya gano’n na lang ang tuwa o pagsang-ayon mo sa sunud-sunod na pagpatay sa mga pinaghihinalaang tulak o gumagamit ng droga. Hindi mo alam kung gaano kasakit mawalan ng ama o lolo o tito o pinsan o kapatid.

Iyan o talagang halang ang kaluluwa mo at sanay na sanay ka nang nakakakita ng mga pinapatay na inosente o walang kalaban-laban. Sana ay mali ang hinala ko sa iyo.

Kung sinuportahan mo si Duterte noong nagdaang eleksyon, hindi ibig sabihin no’n ay susuportahan mo na rin ang lahat ng pinaggagagawa n’ya. Kung maganda ang ipinapakita n’ya, kilalanin mo ‘yon at papurihan. Pero kung hindi na maganda o may kalabisan na ang mga ginagawa n’ya, tungkulin mo ring punahin ‘yon at isigaw na mali s’ya.

E bakit tila naputulan ka ng dila ngayon? Naputulan ka ba ng mga daliri at hindi ka na nagta-type ng mga status na salungat sa sinuportahan mong pangulo? Talagang ayos lang sa iyo ang patayin yung mga maliliit at mahihirap nating kababayan habang ang mga mayayamang drug lord ay patuloy pa rin sa pag-iral at nakukuha pang makipagkita kay Duterte?

Ang itim pala ng budhi mo, ‘no? O baka naman wala ka nang budhi at nilamon na ng pagkahumaling mo d’yan sa idolo mo?

Katulad ka rin ba ng maraming komunista at miyembro ng Left na matapos mabigyan ng pwesto sa mahahalagang posisyon sa gobyerno, matapos mabigyan ng kaunting kapangyarihan ay natahimik na o tila nabawasan ang ingay hinggil sa paglabag sa karapatan ng mga mahihirap na dati nilang ipinaglalaban kuno?

Kapag ba nabigyan ka ng kapangyarihan o nasa poder ng mga nakapangyayari, magbubulag-bulagan ka na sa masasamang nagyayari sa paligid mo?

Ang hirap lang kasing tanggapin na marami akong kababayan na tagong mamamatay-tao o adik sa karahasan. Ganito pala ang ibig sabihin ng pagiging Kristiyano o Muslim—na ayos lang pumatay ng kapwa basta sa ikapapayapa at ikauunlad ng bayan.

Sana kapag tapos na ang mga patayan, kapag “payapa at maunlad” na ang Pilipinas, hindi kasama ang katawan mo o ng mahal mo sa buhay sa mga nakahandusay sa gilid ng kalsada, nakabalot ng packing tape at nilapidahan ng kartong may nakasaad na “Pusher ako. ‘Wag tularan.”