Ang saya-saya, ‘no?

by Sankage Steno

In fairness kay Duterte, natupad na ang isa sa mga ipinangako n’ya noong nangangampanya pa lang s’ya: Napalaya na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Well, di ko alam kung nakalabas na s’ya ng ospital, pero dahil napawalang-sala na s’ya ng Korte Suprema, maaari na s’yang lumabas anytime.

Hindi ako abogado at wala akong alam sa mga iprinisintang ebidensya laban kay GMA, pero mukhang mahina yung mga ipinakita nila kaya nakalusot sa kasong plunder ang dating pangulo. Biruin mo, 11-4 ang score sa en banc ruling ng Supreme Court. Landslide victory!

Kahit nalulungkot ako sa balita dahil may malaking isda na namang nakawala, pampalubag-loob ko na kasama sa apat na hindi pabor sa pagpapalaya kay GMA si Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ang iba pang hukom na nag-dissent ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa.

Sino kaya ang susunod na palalayain ng Korte Suprema sa ilalim ng bagong administrasyon? Si Bong Revilla na kaya? Si Jinggoy Estrada? O baka naman si Janet Lim Napoles?

(Babalik na kaya ulit sa Kongreso ang pork barrel? O nakabalik na ba?)

Pasensya na, ha? Hindi ko lang talaga maialis sa isip na kung kelan nakaalis sa pwesto si P-Noy e saka naman nagdesisyon ang Korte Supremang palayain si GMA. Kahit alam kong independent ang Judicial Branch of government, di ko maiwasang isiping may kinalaman ang pangulo sa desisyong ito.

I know, mali ang iniisip ko. I’m just thinking out loud.

Ngayong makakabalik na sa dating pamumuhay si GMA, umaasa akong tatanggalin na n’ya yung kanyang brace at hindi na s’ya uupo sa wheelchair. Sana naman e may nagbago sa kanya kahit konti. Sana e magpasa s’ya ng magagandang batas bilang kongresista ng Pampanga. Sana ay kapakanan naman natin ang isipin n’ya ngayong laya na s’ya.

As for P-Noy, hindi ko rin maiwasang isiping uupo s’ya sa wheelchair o magsusuot ng brace. May nakahain nang kaso sa kanya tungkol sa Mamasapano incident. At kahit alam kong mahina rin yung ebidensya laban sa kanya, hindi malayong matalo at maipakulong  s’ya ng mga kaaway n’ya ngayong wala na s’yang immunity.

Ibang klase talaga ang pulitika sa Pilipinas. Isa lang ang masasabi ko. Sabayan n’yo ako (gamit ang pamosong tono ng pananalita ni GMA): Ang saya-saya, ‘no?