Ang tahimik na nila ngayon

by Sankage Steno

Muntik na ‘kong manuntok ng TV sa loob ng bus kagabi pagkagaling sa trabaho. Puro patayan kasi yung balita sa TV Patrol. Lahat mga biktima ng pamamaril ng pulis o unidentified hitmen dahil mga pusher o adik daw sila. Nung ilipat ng konduktor yung channel, ganun din yung mga balita sa 24 Oras.

Tangina lang.

Ayon sa latest update ng THE KILL LIST ng Philippine Daily Inquirer, may 265 na ang napatay since June 30 at 312 naman since May 10. Kapag na-update pa ulit ‘to mamaya, sigurado akong mas tataas pa s’ya.

Ang pinakapinagngingitngit ko pa e yung 91 percent trust rating na nakuha ng ating pangulo sa survey ng Pulse Asia. Hindi ko maiwasang i-correlate ‘to sa pagtaas ng bilang ng mga patayan sa bansa dahil sa ilegal na droga. Para bang sinasabi na sang-ayon ang maraming Pilipino sa mga patayang ito basta hindi sila madadamay at basta uunlad ang bansa.

This is very reminiscent of the short story The Ones Who Walk Away From Omelas.

Anyway, hihintayin ko na lang na madamay yung mga mahal n’yo sa buhay para magkaroon ako ng kakampi sa pagtuligsa sa sunud-sunod na patayan ngayon sa bansa. Pakiramdam ko kasi minsan e ako lang yung nag-iingay para kontrahin yung extrajudicial killings na nangyayari.

Pati nga yung mga dating maiingay na Left o aktibista, parang tameme lahat ngayon. Ang tatahimik. Porke nabigyan lang ng pwesto sa gabinete. Pweh!

Pare-pareho lang kayo. Wala kayong ipinagkaiba sa mga trapo. Totoong kahit sinong mabigyan ng kapangyarihan, nagbabago ang ugali. Sigurado ako na sa Lunes, sa SONA ng pangulo, walang aktibista ang manggugulo o manununog ng effigy. E pa’no? Sila yung nasa kapangyarihan ngayon. Nasa panig sila ng pangulo.

E kung tutuusin, isa pa lang sa mga pangako ni Duterte noong eleksyon ang natutupad: ang pagpapalaya kay Gloria Arroyo.

O bakit? Nasugpo na ba n’ya yung krimen at droga? (Oh well, 3 to 6 months nga pala ang palugit.) Nadoble na ba n’ya yung sweldo ng mga pulis at sundalo natin? Naayos na ba n’ya yung traffic sa EDSA at yung siksikan na MRT? Kahit nga yung E.O para sa Freedom of Information wala pa rin e. Sabi n’ya sa unang araw, lalagdaan na n’ya ‘yon. Asan na?

Fine, nasa honeymoon period pa tayo. Marami pang oras para solusyonan ang mga problemang ito. Hindi ko lang talaga matanggap na tanggap ng marami yung mga patayan sa ngayon, at wala pa rin akong nakikitang pagbabago sa pag-uugali ng mga tao sa kalsada. Mga wala pa ring disiplina. Ayaw pa ring sumunod sa simpleng batas-trapiko.

Sana sa pananahimik mo ngayon, nangangahulugan lang ‘to na mas marami kang ginagawa para sa bayan. Stay safe.